Sa saliw ng awiting All or Nothing ng O Town ay nag-iisip ako ng desisyon ko na maaaring pagsisihan ko sa huli at maaari ko rin naman pasalamatan. Alam kong naiinis ka na blogspot sa dahilag puro pag-ibig na lang ang paksa ko sa iyo, wag kang mag-alala sa totoo lang tungkol pa rin ito sa pag-ibig. Pag-ibig sa aking karera. Sa edad ko ngayon nagiging malinaw sa akin ang nais kong mangyari sa aking buhay. Gusto kong mas umunlad ang aking buhay gayundin ang aking pagkatao.
Alas sais nang makarating ako sa Pamantasang De La Salle, marami ang tao. Marami ang nagkukumahog para sa enrollment. Kanya-kanya ng kuwento ang bawat isa, samantala ako ay mag-isa na tinatahak ang kahabaan ng daan patungo sa Departamento ng Filipino. Hindi ko alam bakit may kung anong magnet na humuhila sa akin pabalik sa La Salle. Ayoko na tapusin, nahihirapan na akong bumalik, ngunit marami sa pinagtanungan ko na tapusin ko na raw ang tesis ko. Total naman Final Defense na lang. Shoot! Final nga, ang hirap. Malapit nang maubos ang inipon kong salapi para sa pag-aaral. Kung anu-anong papeles ang inaayos ko. Passport, TOR, Birth Certificate at iba pa. Hindi ko alam para saan iyon. Ang mahalaga may kopya ako ng pinagpaguran ko.
Matapos kong magbayad para sa TOR, nakasalubong ko ang kaklase ko dati. Pinagpatuloy na raw niya ang kanyang pag-aaral. Ipagpatuloy ko na rin daw. Oo lang ang nasagot ko. Walang kasiguraduhan na nilisan ko ang Pamantasan.
No comments:
Post a Comment