Friday, January 28, 2011

Gitara

Kung pagiging malawak lang ng isip ang pag-uusapan ay tiyak na di ako pasok diyan. Bagamat ako ay nasa tamang edad na para sa paggawa ng mga bagay-bagay ay may bahagi pa rin sa aking sarili na masasabi ko na hindi pa rin ako lumalago.
Hinahanap ko ang walong oras na pagtulog at higit pa subalit kinailangan kong tumayo sa aking pagkakahiga upang magsimula ng gawain. Nakakatamad. Ngunit ang aking motibasyon ay, BAWAL ANG TAMAD. Oo bawal ang tamad. Naligo ako ng may kaunting bilis at agad na nagbihis. Kukuhanin ko na sana ang paborito kong pantalon nang makita ko na wala sa aking lalagyan. Uminit ang aking ulo at sinubukan ko munang hanapin bago magbintang. Ngunit ako ay nabigo at hindi ko nakita. Nagmamadali ako at maraming gagawin, kaya't nandilim ang aking paningin at nagalit. Sinubukan kong itext ang bunso kong kapatid upang tanungin kung siya nga ba ang nagsuot, subalit hindi siya sumagot. Nangangahulugan na nga siya ang nag-suot. Imbes na gamitin ang pag-unawa ay lalong kumitid ang aking utak. Pakiramdam ko kasi hindi ako sinusunod ng kapatid ko. Ilan ulit ko na siyang pinagbigyan at pinagsabihan na huwag gamitin ang gamit ko ngunit pilit pa rin niyang ginagamit. Nagalit ako at pinutol ko ang dalawang string ng kanyang gitara.

Umiyak ang nanay ko.

Gitara

Sa saliw ng gitara narinig ko ang iyong tinig
Nagsusumamo na ako ay pakalmahin
Subalit dahil sa tindi ng aking galit
Pinutol ang pising nag-uugnay sa atin

Ang luha ay sumilip sa iyong mga mata
Habang ako ay di makapaniwala sa nagawa
Mistulang estatwa sa nakatayo sa Luneta
Sisingsisi sa maling nagawa

Humingi ka nang pag-unawa sa nagawa
Ngunit ako'y nakapinid at walang ginawa
Nangibabaw ang nag-uumapoy na damdamin
Di alam kung paano hihingi ng paumanhin

Patawad ina, di sinasadya
Pangako sayo pasisiyahin ka
Susubukan suklian ang iyong mga ginawa
Upang ako ay gabayan at di mapariwara

Wednesday, January 26, 2011

Hello, telephone! :)

Nakatakdang mag-ensayo kami ngayon sa araw na ito subalit nagtataka ako kung bakit hindi pa rin nagsisimula. Sinamantala ko ang pagsusulat upang hindi masayang ang aking oras.

Sa mundo kung saan nakapalibot ang pitong nakamamatay na kasalanan. May magagawa ka ba upang ito ay iwasan? Kanina ay nag-ulat ang isa sa mga estudyante ko tungkol sa libro ni Bob Ong na pinamagatang Ang Paboritong Mga Libro ni Hudas. Inaamin ko, hindi ko tinapos ang pagbabasa ng librong ito sa dahilang may bahagi rito na pinag-uusapan ang tungkol sa guro. Hindi sa umiiwas ako bagkus ayoko lang nababastos ang propresyon ko.

Sa mundong puno ng hiwaga at pagsubok. May magagawa ka ba kung nilalamon ka ng mga taong walang pakialam sa mundo. Tila isang ligaw na ibon na lumilipad habang ang iba naman ay kumakain ng mga uod.

Okay lang, hingang malalim.

Sunday, January 23, 2011

Pangarap-

May kung ano na gumugulo sa aking isipan nang makita ko ang isang larawan na hindi ko inaashaan. Larawang kailanman ay hindi ko na muling pinapangarap na makita. Subalit sa di inaasahang pagkakataon tumambad sa aking isipan ang isang bagay na hindi ko inaasahan.

Gumising nang maaga si Jayson para magtungo sa paaralan. Kahit na tila niyayakap pa rin siya ng kanyang higaan na huwag munang tumayo ay pinigilan niya ang kanyang sarili at agad na bumangon. Mabilis siyang naghilamos, nagsipilyo at maya-maya pa ay naligo.

Agad na umalis si Jayson sa kanilang tahanan bitbit ang kanyang pangarap. Sakay ng isang taxi ay panay tingin niya sa metro ng kanyang sinakyan. Sinisipat kung magiging biktima na naman ba siya ng mapagsamantlang kapwa. Ngunit hindi.

Papasok na siya ng pamantasan, tahimik at kakaunti lamang ang mga estudyante. Nakaramdam siya ng kaba sa pag-iscan ng kanyang I.D. Buti na lamang at tumunog pa. Nakapasok pa siya sa nasabing pamantansan.

Patungo siya sa kanyang tagapayo noon, nalilito at hindi alam kung ano ang sasabihin. Ngunit kung may anong puwersa ang tumulak sa kanya upang makipag-usap sa kanyang tagapayo. At nangyari na nga, kumatok siya ng pintuan at tumambad ang kanyang tagapayo.

Lumabas siya ng opisina ng kanyang tagapayo at bitbit pa rin ang kanyang mga pangarap.

Tuesday, January 18, 2011

La Salle

Sa saliw ng awiting All or Nothing ng O Town ay nag-iisip ako ng desisyon ko na maaaring pagsisihan ko sa huli at maaari ko rin naman pasalamatan. Alam kong naiinis ka na blogspot sa dahilag puro pag-ibig na lang ang paksa ko sa iyo, wag kang mag-alala sa totoo lang tungkol pa rin ito sa pag-ibig. Pag-ibig sa aking karera. Sa edad ko ngayon nagiging malinaw sa akin ang nais kong mangyari sa aking buhay. Gusto kong mas umunlad ang aking buhay gayundin ang aking pagkatao.

Alas sais nang makarating ako sa Pamantasang De La Salle, marami ang tao. Marami ang nagkukumahog para sa enrollment. Kanya-kanya ng kuwento ang bawat isa, samantala ako ay mag-isa na tinatahak ang kahabaan ng daan patungo sa Departamento ng Filipino. Hindi ko alam bakit may kung anong magnet na humuhila sa akin pabalik sa La Salle. Ayoko na tapusin, nahihirapan na akong bumalik, ngunit marami sa pinagtanungan ko na tapusin ko na raw ang tesis ko. Total naman Final Defense na lang. Shoot! Final nga, ang hirap. Malapit nang maubos ang inipon kong salapi para sa pag-aaral. Kung anu-anong papeles ang inaayos ko. Passport, TOR, Birth Certificate at iba pa. Hindi ko alam para saan iyon. Ang mahalaga may kopya ako ng pinagpaguran ko.

Matapos kong magbayad para sa TOR, nakasalubong ko ang kaklase ko dati. Pinagpatuloy na raw niya ang kanyang pag-aaral. Ipagpatuloy ko na rin daw. Oo lang ang nasagot ko. Walang kasiguraduhan na nilisan ko ang Pamantasan.

Saturday, January 15, 2011

Blog ba to?

Matapos ang labinlimang araw ng paglalakbay ay hindi ko alam kung paano ako muling magsisimulang magsulat. May kung ano na nakabara sa aking isipan na humarang sa mga ideya sa aking utak. Nais ko sanang gumawa ng kuwento o tula ngunit tila kinakapos ako ng hininga..., hininga sa pagsusulat ng kung anu-ano.

Pagkatapos ng PTC ay nagtungo kami sa Maynila. Sakay ng isang kotse ay binaybay namin ang daan palabas ng BF. Trapik, ginagawa kasi ang daluyan ng kanilang tubig. Shet ang deep. Anyhow di ko alam kung seseryosohin ko ba ang wikang gagamitin ko sa pagtipa ko ngayon o bababuyin ko ang wika. Dibale malaya naman ako. Nakakatamad tumipa lalo na kung may nakabara sa utak mo.

Nag-aayos na ako ng mga papeles para sa muli kong pag-aaral. Ngunit sa totoo lang naguguluhan ako. Sayang naman ang La Salle, halos patapos na ngunit nawawalan ako ng motibasyon ipagpatuloy. Hindi ko alam kung bakit. Nais ko rin magsulat pero nakakatamad. Pagod na ako! Antok na!

Friday, December 31, 2010

Paalam na 2011, 2012, halika tuloy ka :)




Susubukan kong magsulat sa pinakahuling pagkakataon bago matapos ang taon na ito. Pinipilit ng utak ko na gumana sa panahon na labis ang ingay. Paputok dito, pautok dito, ako tuloy amoy putok na! Ay este paputok pala!

Kung pasasalamat lamang ay tiyak na kulang ang espasyo nito para pasalamatan ang lahat ng tao na naging bahagi ng aking buhay. Mga tao na tumugon sa tulong ko nung ako ay nangangailangan ng kaibigan. Salamat sa inyong lahat! Ang lahat ng pagsubok na naranasan ko ngayong taon na ito na inakala kong di ko na kaya ay siyang naging susi upang mas lalo akong matatag sa buhay. At sa pagsalubong ng 2011 ay palalaguin ko pa ang aking sarili, di lamang para sa akin subalit gayundin para sa aking pamilya at minamahal.

Inaalay ko ang lahat ng tagumpay sa Poong Maykapal. Sa mga panahon na nahirapan ako ay alam kong nariyan siya sa tabi ko at di niya ako iniwan. At sabi nga ng aking doktor, ang pinakamagandang regalo sa Panginoon ay pain at sufferings!, sapagkat ito ang panahon na lumalago tayo at sinusbukan niya tayo. Sa susunod na kabanata ng aking buhay ay alam kong di ako iiwan ng aking pamilya, kaibigan, mga naniniwala saNaking talento at kakayahan at higit sa lahat ang Maykapal!


Wednesday, December 29, 2010

Yakapin mo ako sa gabing malamig-


Nakakataba ng puso dahil sa simpleng post lamang sa FB na may sakit ako ay marami na ang naglike. Marami ba ang naglike dahil may sakit ako o concern sila? Naguluhan ako. Bukod pa rito may mga ilan na nagsabi na magpagaling ako. Oo naman para sa inyo na nagtitiwala at nagmamahal sa akin gagawin ko iyon. Pangalawang araw ko nang nagkakape. Sa pagkakataong ito ay di naman Kopiko ang tinira ko Koreanong kape naman. Di ko matalos ang pangalan ng brand, basta masarap. Naging produktibo naman ako sa araw na ito, yun nga mabagal, ngunit palagay ko relaxing naman ang ginawa ko ngayong buong araw. Namimiss ko na naman siya.

Nagdadalawang isip ako kung tatapusin ko pa ba ang MA ko o hindi na. Ngunit sigurado na ako na lilipat na ako ng ibang departamento. Limang taon na akong nagtatrabaho, pagkakataon ko naman pumili ng gusto ko. Ipapanalangin ko ito ng taimtim bago ko sabihin sa lahat ang desisyon ko.

Malapit na matapos ang taon. New Years resolution na naman. Di ko na kailangan hintayin iyon. Araw-araw ay panahon ng pagbabago. Di lamang sa sarili ngunit gayundin sa kapwa.