Wednesday, May 26, 2010

Ala-ala ng kahapon

Hanggang saan ang kaya mong gawin sa ngalan ng pag-ibig?

Gaya ng dati ay hindi pa rin normal ang aking pagtulog. Nagigising pa rin ako tuwing madaling araw. Una kong kinukuha ang aking telepeno upang tingnan kung may matatanggap ba na mensahe kung kaninuman at para na ring magsilbing ilaw ko sa madilim na kabahayan patungo sa aming palikuran. Maraming mga bagay ang nakikita ko na dahilan kung bakit ako nagigising tuwing madaling araw. Una, nasanay na ako para umihi at uminom ng tubig at ikalawa binabalikan pa rin ako ng nakaraan. Subalit hindi ko rin inaalis ang panahon, masyado kasing mainit pag gabi, sa katunayan nasanay na akong matulog na walang suot na t-shirt sa gabi.

Naguguluhan ako sa sitwasyon ko ngayon. Hindi ko alam kung hanggang saan ako lalaban. Naguguluhan na rin ako sa kanya. Iba-iba ang kanyang sinasabi. Kung ikaw ang nasa sitawasyon na kailangan mong mamili sa pagitan ng taong dapat mong mahalin at taong hindi mo kayang mawala. Sino ang iyong pipiliin? Ang hirap di ba? Isang buwan na rin pala akong naghihintay, uhaw na uhaw na ako sa kanyang pagmamahal. Subalit ni mahal kita ay hindi man lamang niya masabi sa akin kahit sa text lang. Napag-iisip tuloy ako na ano ba ang papel ko sa kanyang buhay? Minsan nasabi niya natatakot siya sa sasabihin ng iba kapag iniwan niya ang isa. Kahit na tila sampal sa akin ang kanyang mga tinuruan ay tinitiis ko ito at hindi ininda. Iniisip ko na lang na ang lahat ay may matatapos din. Ang lahat ng paghihirap ko ay may katapusan din. Hindi ko alam ang tumatakbo sa isip niya. Ang alam ko lang sa puntong ito ay magkasama sila. Dati ay nakakaramdam ako ng selos subalit sa araw na ito ay natural na lang. Maaaring pinapanday na rin ako ng panahon na tanggapin ng buong-buo ang nangyari. Ang sabi nila kung talagang mahal ka ng tao ay ikaw ang pipiliin niya subalit sa sitwasyon ko ay hindi na niya ako mahal. Hindi na niya ako mahal at hindi pa niya ako pinili. "I care for you." Iyan ang madalas niyang sabihin sa akin. Hindi ko maunawaan kung bakit ayaw niya akong tulungang pagalingin ang aking sarili mula sa sakit. Hindi ba niya batid na mas lalo lang lalala ang sakit ko kung hindi pa rin siya desidido sa aming dalawa? Ayoko naman masayang ang pagmamahal ko kanya, sapagkat espesyal ito. Ayokong dumating sa punto na magkasumbatan lang kami at lalong magkasakitan. Kung ayaw niyang muling magtiwala sa akin ay hindi ko siya masisisi. Naniniwala ako na may taong nakalaan para sa akin. Hindi man ngayon subalit alam ko na darating iyon. Hindi ko rin alam kung may rason pa ba na magkita kami. Tama ba na naiipit kami sa sitwasyon na alam naman naming dalawa na mali. Pero kung minsan nagagawa mo ang isang bagay kahit alam mo na ito ay mali. Di mo sinasadya nahihirapan ka lang talaga sa magiging desisyon mo. Kung mabasa mo man ang blog na ito balang araw ay sana ay magkaroon ka ng malinaw na desisyon para sa ikakabuti ng lahat. Huwag nating hayaan masayang ang oras.

No comments:

Post a Comment