Tuesday, February 15, 2011

Paglalayag ng isang guro

Limang taon na rin akong nagtuturo sa paaralan tumanggap at nagtiwala sa aking kakayahan. Humubog sa akin mula sa pagiging bagitong guro hanggang sa kasalukuyan na masasabi ko na kahit papaano ay mayroong pagbabago. Ngunit gaya ng dati ay hindi ko na babanggitin ang pangalan ng paaralang iyon sa dahilang baka lalo pa itong makilala.

Puting-puti ang mukha at posturang-postura. Nagtungo ako sa paaralan iyon mula sa Tondo. Dala ang aking resume at lakas ng loob. Iba ang lugar na iyon kaysa sa aking nalakihan. Malaki ang daanan (ngunit may bahaging lubak-lubak), magaganda ang mga tahanan at mukhang maykaya ang mga nananahan. Sinalubong ako ng isang guard at sinabi ko ang aking pakay. Agad niya akong pinagbuksan at tinuro ang opisina ng punung-guro ng paaralan.

Naalala ko pa nun ay tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa, di upang ako ay uyamin bagkus nakapagtataka lamang sa postura at itsura kong bata (noon) na ako ay magtuturo. Kinausap niya ako tiningnan ang aking resume, pagkatapos nito ay bigla niyang sinabi na tatawagan na lang ako.

Gaya ng tipikal na bagong mag-aaral na nagtapos ay hindi na ako umaasang tanggapin. Alam ko naman na babatikusin na naman ang bata kong itsura kasya sa kakayahan kong magturo. Ngunit ang lahat ng aking akala ay mali. Tinawagan ako ng nasabing punong-guro at sinabi na magtungo raw ako muli sa kanilang opisina. At dahil sa kailangan kong magtrabaho ay agad naman akong nagtungo. Hindi ako nabigo sa aking panambitan at ako nga ay natanggap ngunit hindi ko inaasahan na pahahawakin ako ng unang baitang. Nagpaliwanag ako na ako isang guro sa hayskul at di ko nais magturo sa ganoong kababang lebel. Subalit sa pagpapaliwanag ko ay sinabi naman ng puong-guro na pansamantala muna sapagkat wala pang bakante para sa hayskul. At muli kong uulitin dahil kailangan ko ng trabaho ay tinanggap ko ang kontrata.

Naging mahirap sa akin ang pagtutro sa unang taon. Mantakin mo na ituturo ko ang patinig at katinig ng isang linggo. Sa isip ko eh kahit isang araw ay kaya kong pagsabayin iyon ng pagtuturo. Ngunit nagkamali ako, hindi pala ganun ang dulog. Sa paglipas ng araw ay natutuhan ko ang tamang pagtuturo at masasabi ko na ginusto ko na rin iyon. Oo ginusto yung tipong napilitan. Makalipas ang isang buwan ay kinailangan ng bagong guro sa ikatlong baitang. Agham ang ituturo. Kinausap muli ako ng punong-guro at sinabi na ako raw ang napipisil na humawak. Tinanggihan ko ngunit sinabi sa akin na ang pagtuturo raw ay isang regalo. Sa sinabi ng punong-guro ay naliwanagan ako lalo na nang marining ko na nag-aawitan ang mga anghel sa kalangitan. Inaamin ko sa una mahirap ngunit minahal ko ang pagtuturo ng agham.

Itutuloy-

No comments:

Post a Comment