Limang taon na rin akong nagtuturo sa paaralan tumanggap at nagtiwala sa aking kakayahan. Humubog sa akin mula sa pagiging bagitong guro hanggang sa kasalukuyan na masasabi ko na kahit papaano ay mayroong pagbabago. Ngunit gaya ng dati ay hindi ko na babanggitin ang pangalan ng paaralang iyon sa dahilang baka lalo pa itong makilala.
Puting-puti ang mukha at posturang-postura. Nagtungo ako sa paaralan iyon mula sa Tondo. Dala ang aking resume at lakas ng loob. Iba ang lugar na iyon kaysa sa aking nalakihan. Malaki ang daanan (ngunit may bahaging lubak-lubak), magaganda ang mga tahanan at mukhang maykaya ang mga nananahan. Sinalubong ako ng isang guard at sinabi ko ang aking pakay. Agad niya akong pinagbuksan at tinuro ang opisina ng punung-guro ng paaralan.
Naalala ko pa nun ay tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa, di upang ako ay uyamin bagkus nakapagtataka lamang sa postura at itsura kong bata (noon) na ako ay magtuturo. Kinausap niya ako tiningnan ang aking resume, pagkatapos nito ay bigla niyang sinabi na tatawagan na lang ako.
Gaya ng tipikal na bagong mag-aaral na nagtapos ay hindi na ako umaasang tanggapin. Alam ko naman na babatikusin na naman ang bata kong itsura kasya sa kakayahan kong magturo. Ngunit ang lahat ng aking akala ay mali. Tinawagan ako ng nasabing punong-guro at sinabi na magtungo raw ako muli sa kanilang opisina. At dahil sa kailangan kong magtrabaho ay agad naman akong nagtungo. Hindi ako nabigo sa aking panambitan at ako nga ay natanggap ngunit hindi ko inaasahan na pahahawakin ako ng unang baitang. Nagpaliwanag ako na ako isang guro sa hayskul at di ko nais magturo sa ganoong kababang lebel. Subalit sa pagpapaliwanag ko ay sinabi naman ng puong-guro na pansamantala muna sapagkat wala pang bakante para sa hayskul. At muli kong uulitin dahil kailangan ko ng trabaho ay tinanggap ko ang kontrata.
Naging mahirap sa akin ang pagtutro sa unang taon. Mantakin mo na ituturo ko ang patinig at katinig ng isang linggo. Sa isip ko eh kahit isang araw ay kaya kong pagsabayin iyon ng pagtuturo. Ngunit nagkamali ako, hindi pala ganun ang dulog. Sa paglipas ng araw ay natutuhan ko ang tamang pagtuturo at masasabi ko na ginusto ko na rin iyon. Oo ginusto yung tipong napilitan. Makalipas ang isang buwan ay kinailangan ng bagong guro sa ikatlong baitang. Agham ang ituturo. Kinausap muli ako ng punong-guro at sinabi na ako raw ang napipisil na humawak. Tinanggihan ko ngunit sinabi sa akin na ang pagtuturo raw ay isang regalo. Sa sinabi ng punong-guro ay naliwanagan ako lalo na nang marining ko na nag-aawitan ang mga anghel sa kalangitan. Inaamin ko sa una mahirap ngunit minahal ko ang pagtuturo ng Agham.
Sumunod na taon ay nagbalik ako muli sa pagtuturo ng Filipino, sa pagkakataong ito ay sa Ikalima at Ikaanim na Baitang naman. Nagsimula na rin akong magturo ng Kasaysayan ng Pilipinas at Ingles at Tagalog bilang pangalawang wika ng mga dayuhan. (Koreans) Masaya na mahirap, may mga pagkakataon na mahihirapan kang umisip ng halimbawang pangungusap, magkabisa ng mga petsa ngunit dahil guro ka kailangan mong gawin ang naatas na trabaho. Tumagal ako ng dalawang taon hanggang sa may panibago na namang kontrata, at iyon ang magturo ng hayskul. Gaya ng dati ay tinanggihan ko. Masaya na ako sa elementarya. Madali ang tinuturo at nakahanap na ako ng pamilya. Ngunit dahil sa wala akong magawa ay napilitan akong mag-impake at magtungo sa ibang departamento.
Nakakapanibago, ang lahat ay seryoso, samantalang ako ay tahimik sa isang sulok. Nakikiayon lang sa kanilang mga gusto. May pagkarobot na sumusunod kung ano ang gusto ng sinuman na dapat kong kilingan. Ngunit hindi iyon ang aking layunin. Nais kong itaguyod ang pagmamahal sa sarili nating panitikan. Nakarinig ako ng mga di magagandang salita. Walang kuwenta umano ang isang akdang aking pinabasa. Filipino lang daw yan, minor lang. Tumahimik ako at nagsawalang kibo. Pinagpatuloy ko ang aking layunin na isa o dalawa man sa mga mag-aral ko ay maipakita ko at mapaunawa ko na mahala ang sariling atin, na mahalaga ang ating panitikan. Hindi ako nabigo.
Nasa ikalawang taon na ako ngayon ng pagtuturo sa Ikatlo at Ikaapat na Taon, masaya ngunit nagkaroon ako ng bagong desisyon. Desisyon na maaari kong pagsisisihan o kaya naman ay pasalamatan. Alam ko na nilikha ako na maging isang guro ngunit ang lahat ay hindi nagtatapos sa ganoong salita lamang. Bagamat ako ay iniluwal sa matres ng Tondo kung saan bunga rin nito ang karamihan sa mga kilalang manunulat natin na malaki ang ambag sa ating panitikan at nais kong umunlad. Itutuon ko ang oras ko at dedikasyon sa pagtuturo ng mga espesyal na bata. Naalala ko pa ang unang libro na nabasa ko sa La Salle. Pinamagatan itong Ang Paglalagay Kasama ang Anak ko na Austistic. Mula roon ay nabuo sa aking isipan na balang araw ay haharap din ako sa ganoong uri ng sitwasyon. Hindi ako nagkamali dumating na nga.
Hindi madali ang maging guro. Hindi rin madaling maging ako. Nagpapasalamat na rin ako na bagamat di natupad ang pangarap ko na maging kilalang manunulat ay minsan naging manunulat ako sa mata ng aking mga mag-aaral, kaibigan at mga ilan-ilan na tumangkilik sa aking likha. Mula sa kaibuturan ng aking puso ay mananatili akong guro na may paninindigan dedikasyon at paniniwala sa aking linya- ang pagtuturo at pagpapahalaga sa wika at ating panitikan.
No comments:
Post a Comment