Monday, July 11, 2011

Ikalawang kuwento: Hindi ka na niya mahal

Sulat-sulatan (liham, lihim at kung anu-ano pang
kuwento kapupulutan (ata) ng aral )

sulat png 1: liham 2: pagguhit ng likha ng lapis, bolpen at iba pang pansulat- pnd i-pa-su-lat, mag-su-lat, su-la-tan, su-mu-lat.

UP Diksyunaryo

Hindi ko alam kung matatawa ba ako maiinis sa pinagagagawa ko. Basta sa puntong tinitipa ko ito ay hindi ko mapigilan ang sarili ko na magtuloy-tuloy. Tunay ngang makulay ang kuwento ng aking pag-ibig. Kahit naman sino ay dumadaan sa punto na nahuhulog ang sarili sa isang tao. Kusang dumarating ito at ibinibigay sa tamang oras at sa tamang panahon. At kahit na ito ay pigilan ay may tulay pa rin na magsisilibing daan para ang dalawang tao ay magtagpo ng landas.

Ang sulat na ibabahagi ko sa araw na ito ay liham ng dati kong kasintahan. Gaya na iba ay matagal na rin siyang namayapa. Sa dahilang ang lahat ng mga tao na naging bahagi ng aking nakaraan ay hindi ko lamang kinakalimutan bagkus ay ibininabaon ko pa sa limot. Bilang bahagi pa rin ng proyekto ko (na alam ko namang hindi ako kikita) ay isinama ko na rin siya. Hindi natin alam, malay natin sa pagdating ng araw ay makilala ako at gawan ng pag-aaral ang pag-ibig ni Yuan.

Balik tayo sa usapan ng pag-ibig. Hindi mo mawari ang kakaibang ligaya na hatid nito lalo na't kapag kasama mo siya. Gaya ng iba ay posturang-postura ako lagi sa tuwing nakikita ko siya at hanggat maaari ay pipilitin kong hindi agad-agad na umulit ng mga damit na susuotin sa tuwing kasama siya. Pinaliliguguan ko rin ang aking sarili ng pabango, lalo na sa bahagi ng leeg para pag napasandal siya ay tiyak na mahuhumaling siya sa akin. Pabangong babae ang pinipili ko sa dahilang naniniwala ako na mas magiging malapit ako sa kanya. Pinupuno ko rin ang utak ko ng kaalaman lalo na sa mga bagay na interasado siya. Kahit na hindi ko ito trip, aaralin ko para lamang sa kanya.

Minahal ko siya ng lubusan at minahal niya rin ako. Ngunit isang araw ay natanggap ko ang liham na ito. Hindi ko malaman ang dahilan kahit malinaw naman sa sulat ang dahilan. Wala naman akong ginawa sa kanya na alam kong hindi niya magugustuhan. Sa katunayan, ibinigay ko sa kanya ang lahat ng aking kayang ibigay. Hindi ko makita kung saan ako nagkulang.

Hanggang isang araw ay nabalitaan ko na gaya ng ibang babae ay nangati rin siya. Hindi siya nakatiis kaya kinamot niya ito ng kinamot hanggang nakita niya ang sarili niya sa kandungan ng iba. Iyon pala ang tunay na dahilan. Lubha akong nasaktan at lumuha ang kalangitan. At nang gabing iyon ay nagpasya ako na kalimutan siya.

Makalipas ang ilang buwan, nagbalik siya ngunit hindi na niya ako matagpuan.

No comments:

Post a Comment