Saturday, July 9, 2011

Sulat-sulatan (liham, lihim at kung anu-ano pang kuwento kapupulutan (ata) ng aral )


Sulat-sulatan (liham, lihim at kung anu-ano pang
kuwento kapupulutan (ata) ng aral )

sulat png 1: liham 2: pagguhit ng likha ng lapis, bolpen at iba pang pansulat- pnd i-pa-su-lat, mag-su-lat, su-la-tan, su-mu-lat.

UP Diksyunaryo


Matagal ko nang naisip ang ideyang ito subalit ngayon lang ako nakahanap ng pagkakataon na maisakatuparan ang proyektong ito. Proyektong alam kong hindi naman ako kikita ng salapi ngunit sapat na ang mabasa ako ng sinuman na nais magbigay ng panahon sa blog ko. Ito ay kalipunan ng mga liham na ibinigay sa akin ng mga taong naging bahagi ng aking buhay. Mga tao na naglaan na oras at panahon upang ipakita at ipadama ang kanilang pagpapahalaga sa akin. Bilang ganti ay pumili ako ng ilan sa mga liham na nais kong bigyan na kuwento at ibahagi sa lahat.

Sa kabilang dako ay naumay na rin ako sa mga kuwentong kabiguan na pinagsusulat ko, kaya nagpasya ako nga mag-isip naman ng iba. Ngunit isang paglilinaw lamang na hindi pa rin mawawala rito ang mga kuwentong pag-ibig sa halip ay bibigyan ko lang ng ibang panlasa ang aking mga mambabasa (kung mayroon man) Umaasa pa rin ako na isang araw ay may makakapansin sa akin at bibigyan ako ng pagkakataon na makasulat at mabasa ng mas nakakarami. At siyempre lubos ko ring ikakatuwa kung makikita ko ang sinulat ko sa National Bookstore.
Hindi ko na hahabaan pa ang introdusiyon ko. Huwag mahiyang mag-iwan ng komento, suhestiyon at kung ano ang nasasaloob mo. Malayang pumuri, pumuna at bumatikos. Iyon nga lang bawal ang basurang salita. Sige kapit na at basahin mo ang unang bahagi ng sulat-sulatan.


SI ABDON M. BALDE JR. at iba pang mga manunulat

Nagkaroon ako ng pagkakataon na makilala siya nang maglakas loob ang isa kong estudyante na imbitahan siya sa paaralang tinturuan ko. Hindi ko inaakala na magagawa iyon ng estudyante ko sapagkat alam ko na ang katulad nilang mga kilalang manunulat ay abala at walang panahon para sa mga malilit na tao na tulad namin. Subalit ang lahat ay nagbago ng tumambad sa aking mga mata ang kanyang kabuuan ng sorpresahin ako ng estudyante ko para sa kanyang pag-uulat. Hindi lingid sa buong klase na paborito ko si Abdon M. Balde Jr. Nagsalita siya sa harapan ng klase at ultimo ang mga estudyante ko ay namangha sa nakita nilang manunulat. Madalas kasi na puro larawan lamang ang aking ipinapakita subalit sa pagkakataong iyon, ay nakakita sila mismo ng isang tinitingalang manunulat.
Inakala ko na matatapos na ang lahat sa araw na iyon ngunit nagulat ako ng imbitihan niya ako sa book launch ng kanyang bagong libro na 100 kislap. Agad ko namang inilagay ito sa aking kalendaryo at nangako sa sarili na hindi ko palalagpasin ang araw na iyon. At sa araw nga na iyon ay nabigyan ako ng pagkakataon na mapanood siyang magsalita sa harap ng mga tao at mabigyan ng autograph.



Nakakatuwa na mabigyan ng pagkakataon na mabigyan ng munting sulat mula sa isang iniidolo ng isang hamak na tagahanga lamang. At dahil na rin sa maliit ang mundo ay nakita ko rin sa nasabing book lunch sina, Virgilio Almario (National Artist) Vim Nadera at Vlad Gonzales. At gaya ni Balde ay nabigyan din nila ako ng authograph.



Sa totoo lang ay binili ko lang ang libro para sa kanilang mga pirma subalit hindi ko naman talaga ito balak basahin. Sa pamagat pa lang ay Homo-erotiko, tiyak ako na kakaiba ang nilalaman nito. Ngunit dahil ayoko na masaktan ang kanilang mga damdamin ay sinubukan ko naman talaga itong basahin ngunit di ko lang talaga matake ang nilalaman.

Balik tayo kay Balde, ang libro naman niya na binili ko nung araw na iyon na 100 kislap ay binasa ko. Ang husay at malinaw ang mga mensahe subalit may isang bahagi sa kanyang libro na pumukaw sa aking mga mata. At dahil sa likha niyang iyon ay muling nagsimulang lumuha ang aking langit.


Mula sa 100 Kislap, Abdon M. Balde Jr.
PAGKAPARIWARA

At maaliw ka
sa malalanding kariktang
masusumpungan sa masalimuot na daan
ng paglalagalag.

At mabubura sa alaala- parang ulop na pinawi
ng maalinsangang bukangliwayway-ang
iyong pangako sa isang naghihintay sa
malayong kabihasnan.

At siyang iniwan mo ay mabubuhay sa bingit
ng panahon, maglulunoy sa mababaw na pag-asang
tutupad ka sa pangako.

At mananatili siyang nakahilig sa pagitan
ng payak na kapayapaan at walang
katuturan lumbay.

At mamumulat ka, isang dapithapon, mula sa
hungkag na pangitaing may larawan ng kanyang
mukha, na di mo mawatasan kung nakatingin sa iyo o
nananalamin lamang sa kaitiman ng iyong mga mata.

At magigising ka sa katotohanang siya lamang talaga ang minamahal mo sa iyong buhay.

At magpapasya kang muling matalunton sa landas
pabalik sa kanyang puso.

At saka mo matutuklasa na HINDI KA NA NIYA MAHAL. (pahina 9)

Mapapansin na naka-bold ang ilang linya. Linya na tagos sa aking puso at pakiramdam ko ay may pinatutungkulan nang ilagay ko ang sarili ko sa mismong kuwento. Lalo na ang pinakahuling bahagi.

Sa ngayon ay mananatili pa rin sa isa sa paborito kong manunulat si Abdon M. Balde Jr. (bukod kay Bob Ong. At ito ang unang sulat na nais kong ibahagi. Sulat mula sa aking idolo.

Abangan ang susunod na liham na hahanguin ko sa huling linya ni Balde at bibigyan ko ito ng pamagat na HINDI KA NA NIYA MAHAL.


No comments:

Post a Comment