Monday, August 8, 2011
Sunday, August 7, 2011
Let go and let God
Hindi ako makatulog, bumangon pa ako sa aking higaan para lang magsulat. Pagkatapos kong magsulat ito humarap naman ako sa computer ko. Maaga ang pasok ko bukas, sana lang di ako tanghaliin ng gising. Hindi ako motivated. May kulang di ko alam kung ano iyon.
Dumami na ang view ng blogspot ko. Ang bilis, masaya na ako na kahit papaano ay may nagtyatyagang bumasa ng pinagagagawa ko. Pwede rin kayong magkomento kung nais ninyo. Galing ako sa simbahan kanina. Nahuli ako ng ilang minuto pero okay lang simula pa lang naman halos ang misa. Maganda ang aura ng simabahan, gaya ng dati si Father Duds pa rin ang pari. Sakto ang aral ng kanyang misa. Pinatamaan ata ako o feelingero lang ako?
Nagsimula ang misa sa multo. Takot ba raw tayo sa multo. Kung may recitation lang, nagtaas na ako ng kamay at sasabihin ko na oo. Ngunit di iyon ang punto niya. Nais niyang sabihin ay multo ng nakaraan. Patay na, naloko na lumalayo na nga ako, ito naman mismo ang pagkakataon ang naglapit sa akin. Ang sabi ni father naniniwala ba raw kami sa forgive and forget. Di ako nagtaas ng kamay ngunit halos lahat nagtaas. Pinaliwanag niya ang punto niya. Di rin daw siya umano naniniwala sa kasabihang ito. Sa halip naniniwala siya sa forgive and and remember with healed memories. Hinalimbawa niya ang isang sugat, masakit sa una ngunit habang tumatagal ay gagaling din ito at mag-iiwan ng marka, ito ay ang peklat. Ang peklat ba raw ay masakit? Hindi na raw sa isip lang ito. Nakita ko ang punto ni father, tama siya. Tama rin siya na ang kasabihang forgive at forget ay di naman maaaring magamit sa lahat ng pagkakataon. May isip nga tayo diba kaya di natin basta-basta makakalimutan ang mga bagay. Yung mga tipong inaral ka natin noon ay may kakayahan tayong alalahanin gaya ng pag-alaala natin sa mga multo ng kahapon.
Multo na kung multo subalit naliwanagan ako sa kanyang payo bagamat ang payo naman na ito ay pangkalahatan. Sa bawat mabigat sa pagsubok na ating dinadanasa, kailangan lang natin ng SAMPALATAYA. SAM(iisa) PALA (palagi) at TAYA (sugal) Nangangahulugan na sa isa lang tayo sasampalataya sa Kanya lang tayo susugual. Para raw itong pagtaya sa lotto na isang numero lamang ang inaalagaan mo at nagbabakasakali na manalo ka balang araw. Walang kasiguraduhan ngunit naniniwala ka at nagtitiwala. Pero di punto ang pagtaya sa lotto, ito ay ang pagtitiwala sa Kanya. Na si Pedro na lumakad sa tubig sapagkat nakita niya ang Panginoon na lumalakad din sa tubig ay unti-unting nakaramdam ng paglubog. Natakot siya at hinawakan ng Panginoon. Isang halimbawa raw umano ng mababaw na pananampalataya.
Maaaring nakakatawa sa mambabasa ang pinagsusulat ko. Pakiramdam ko pati mga kaibigan ko ay nagsasawa na rin sa pakikinig ng kuwento ko. Subalit hindi naman ako humihingi ng awa ang kailangan ko ay pag-unawa. Mahirap masaktan, mahirap din magsakrapisyo sa isang tao na iniwan ka sa mababaw na dahilan. Yung tao na di ka binigayan ng pagkakataon na magpaliwanag. Yung tao na sa magagandang bagay na ipinakita mo ay nilapastanganan, niyurakan at tinawanan ang iyong pagkatao.
Di ako bitter at di ko na rin nais na bumalik pa sa piling niya. Nalulungkot lang ako. At sa bawat araw na mag-isa ako ay naiisip ko siya. Okay lang din naman kung ang tingin sa akin iba ay bitter o kung mismo siya atleast alam ko na kaya ko nararamdaman ito sapagkat naging totoo at puro ang ipinakita ko sa kanya. Di gaya ng iba na panandaliang kasiyahan lamang at ginamit ang kanyang kahinaan.
Di ako galit sa kanya, galit ako sa ginawa niya. Gaya ng sinasabi ko pakiramdam ko ay ako ang lalaki sa septic tank, gusto kong umahon ngunit walang bukal ang loob na tumulong. Ang magtiyaga na unawain ako sa aking pinadadanan kaya ang ang pagsulat na lang at panalangin ang aking naging sandalan.
Ayoko nang makita ka at ayoko na rin may marinig pa tungkol sayo. Hindi nila alam ang tunay na nangyari. Subalit nagpapasalamat ako sa mga taong nakakaalam ng tunay na kuwento sa likod ng mga nagkukubling nakaraan.
Titiisin ko ang mga araw na dadalawin ako ng multo ng kahapon at gagamitin ko ang sandata ng pananalig. tama nga si Father Duds. Tapos na ang lahat, di mo kailangan saktan ang sarili mo para sa mga taong nananakit sayo. May dahilan ang lahat.
Nagpasya akong magpalit ng numero, binura ko na rin ang lahat ng larawan namin.
Isang kataga ang sinabi ni Father Duds na tumatak sa aking isip, LET GO AND LET GOD!
Magandang Gabi!
Saturday, August 6, 2011
Fina(Ly) Mushkila Katir



Sulat-sulatan (liham, lihim at kung anu-ano pang
kuwento kapupulutan (ata) ng aral )
Nasa ikatlong yugto na ako ng sulat-sulatan. An proyektong naisip ko. Dahil guro ako, ako na rin ang magbibigay ng grado. Sa panahon bakante ang oras ko ay wala akong magawa kundi tumipa. Hinahayaan kong mapagod ang isip ko at kamay ko ngunit sa tuwing ginagawa ko ito ay mas lalo pang umaapaw ang ideya sa utak ko.
Kung nais ninyong mabasa pa ang una at ikalawang yugto ng sulat-sulatan ay narito ang link.
Konti na lang 2000 views na. Libre kayong magbigay ng komento at tumuligsa basta wag lang masyadong malupet na komento.
Ang ikatlong yugto ay liham ng isang tao na malapit sa aking puso mga tipong Tondo hanggang Warsaw, ganyan kalapit. Hindi ko na isinama ang ilang bahagi ng liham sapagkat bukod sa ang bagal ng pag-upload ay tinatamad ako at medyo bagsak na rin ang mata ko. Pinabibigyan ko lang ang hilig at isip ng kamay ko. Ang magsulat. (kahit walang katorya-torya)
Simula
Nakilala ko siya isang taon na ang nakakalipas. Di ko maalala kung ano ang eksaktong araw, basta summer nun. Abala ang mga guro sa paghahanda para sa pasukan nang bigla siyang dumating. Dahil nasa harapan ko ang bakanteng lamesa ay doon siya naupo. Ako yung tipong di kita kakausapin kahit na cute ka pa lalo na kung di pa naman kita kilala. Nayayabangan daw sya sa akin. Di ko alam kung bakit, tahimik lang naman ako. O siguro di ko lang siya pinapansin. (blog ko to! bawi ka sa blog mo! haha!) Natatawa ako habang ginagawa ito at sana wag mainis si Ly kung mabasa man niya ito.
Lumipas ang araw, linggo at buwan at nagsimula na kaming mag-usap. Nakakatuwa, gaya nga ng nasa sulat ang dami naming pagkakapareho. Prof. ko sa La Salle, prof. nya rin. Pati mga termino na gaya ng kudos, pagtatasa at pagsipat na nakuha namin sa La Salle ay alam din niya. Alam niya sapagkat pareho kami ng kursong kinuha. Mahilig din siyang magsulat ngunit mas masipag nga lang ako sa kanya. (hehe) Dahil nasa harapan ko nakapwesto ang kanyang lamesa ay mas lamang ako sa pagsipat sa kanyang mga ginagawa. Ayos naman, masipag siya at di ko rin makakalimutan ang koleksyon nya ng lollipop sa isang bahagi ng kanyang lamesa.
Nang lumaon ay naging magkaibigan kami. (matalik ata) Akala ko noon ay hanggang doon lang iyon subalit mas lumalim pa ang aming samahan lalo ng nabuo ang ang Dalubwiquest. (Namiss ko tuloy). Nagsimula akong magbukas ng libro ng aking buhay sa kanya. Nakinig naman siya at naglaan ng panahon para pakinggan ang kuwento ko. Gaya ko ay mayroon din naman siyang problema na ibinahagi sa akin. Iyon nga lang hindi ko alam kung may naitulong ba ako.Paborito rin niya ang snickers at milo. Naniwala naman ako ngunit habang tumatagal napapansin ko na ang dami naman niyang paborito kaya parang unti-unting nawala na yung paniniwala ko. Joke!
Kaunti na lamang ang panahon at lilisan na siya. Lilisan para sa magandang dahilan. Magkukubli na naman siya sa damit na mahaba sa lugar na iyon. Mamimiss ko siya at alam ko ring mamimiss niya ako. Kung hindi naman niya ako mamimiss, okay lang, di ko rin siya mamimiss. Joke! :)) Di ko alam pero pakiramdam ko ang pangit ng kalidad ko ng pagpapaliwanag sa tao na ito. Di ata ako naging malikhain sa yugtong ito. Pero siguro ganun talaga pag malapit sayo ang tao, walang eksaktong salita na maaaring magamit para ilarawan siya. Limitado lang ang nais kong isulat, di dahil sa tinipid ko bagkus may mga bagay na mas maganda na sarilinin na lamang.
Nagpapasalamat ako at nakilala kita, salamat sa panahon na nakinig ka at sa mga panahon na nariyan ka. Magkikita pa tayo bago ka umalis. Manlibre ka ng kape, ang paborito mo.
Mag-ingat ka kaibigan, hanggang sa muli!
Kuwento-kuwentuhan Kabanata 2

Pangkaraniwang araw, nakakabagot, walang espesyal. Boring. Ganito na lang palagi? Kakatapos ko lang basahin ang Ligo na U, Lapit na Me. Bitin. Mas inabangan ko ang kuwneto ni Jen at Intoy kesa sa pasakalyeng politikal at kung anu-ano pa. Pero sulit pa rin ang pagbili ko sa libro. Nagampanan pa rin ng manunulat ang nais niyang iparating. Kaso nga lang bitin. Actually yun nga yung nagbigay ng kulay, yung nabitin ka, kaya kung anu-ano ang tumatakbo sa isip ko, dudugtungan ko na lang tutal naman malayang iniwan ng manunulat na bitin ang dulo. Baka may sequel pa? Ewan ko.
Naglaro ako kanina. Nagpapawis. Ayos solve! Pwede na kasya naman di pagpawisan ang katawan ko. Nababagot ako sa ginagawa ko. Walang bago, gusto ko ng bago. Di rin ako ganun kasaya sa trabaho ko. Pumapasok lang ako para gampanan ang trabaho ko. Pero di ako excited. Ewan ko ba kung anong nangyayari sa buhay ko. Bwisit na pag-ibig yan. Sinusulit ko ang pagsusulat habang sariwa pa ang sugat. Habang may panahon pa ako. Baka bukas patay na ako. Kung di man mapublish tong ginagawa ko, okay lang. Sapat na rin ang mahigit isang libong views! Salamat! Kahit papaano may tumatangkilik sa ginagawa ko.
Natulog lang ako maghapon, sa gabi naggym ako, yun ang laro ko ngayon. Sa bawat pagpikit ko ng mata ko isa lang ang dalangin ko. Kahit sa panaginip makita kita masaya na ako. Nakita nga kita kagabi bangungot naman. Nakakabagot din ang FB ko, bukod sa mabagal ang net wala namang bago sa profile ko. Walang espesyal kaya tuloy di ko na alam kung san ako lulugar. Naliligaw ako at di ko alam ang daan pabalik. Shet kinakantahan na naman ako ng Up Dharma Down, sapul ako, tagos sa puso.
Ang laki ng problema ko, parang problema ni Intoy sa Ligo na U, Lapit na Me. Pero kung iisipin mas marami pang malalaking problema sa mundo na di ko nakikita at di ko pa nararanasan. Pero sa ngayon ito ang pinakamalaking problema na hinarap ko. Buong pagkatao ko apektado. Bakit ko ba nararamdaman to? Nung mga nakaraang buwan okay na ako ngunit may kung anong ewan na humihila sa akin pabalik sa matagal ko nang tinalikuran. Ang hirap, takteng yan para akong si superman na binigyan ng kyrponite! Di ko na talaga kaya, malapit na akong bumigay. Pati pagreresign o pagtungo sa Dubai papatusin ko na! Di ko makita ang halaga ko, ang purpos ko. Kung may mga taong nagmamahal pa ba talaga sa akin o nagtitiwala. Ewan ko, magulo. Down pa ang phone ko! Walang charger nakakainis. Di ko naman pwede isisi sa iba ito kasi katawan ko to, ako ang may control dito.
Sa kabilang dako, nagpapasalamat pa rin ako sa kanya sapagkat alam kong andyan lang Siya. Nakagabay at alam ko na matatapos din ang bagyo. Lord ah tama ang pagsubok. Surrender na ako! Ipaunawa ninyo ang nais ninyong gawin ko. Dalin nyo ako sa tama. Huwag nyo po akong hayaan na malunod sa kumunoy ng nakaraan. Tapos na ang lahat! Tyatyagain ko ang bawat araw na nasasaktan ako at nangungulila sa lahat, matapos lang to.
Sana dumating ka na. Sana. Iligtas mo ako.
Malapit na bertdey ko! Di ko pa rin natatapos ng blog ko na Ingles, namimiss ko na rin magsulat sa Ingles. Ang daming kong namimiss. Ang dami kong gusto. Takte. Sobrang dami, isa lang naman ang kailangan ko.
IKAW.
Friday, August 5, 2011
Halaw-
Kuwento-kuwentuhan 101
PAALALA:
Ito ay di totoong kuwento, gawa lamang ng malikot na isip ng manunulat. Maaaring paniwalaan kung gusto mo.
Ang sama ng panaginip ko. Gusto kong magmura. Isa lang. Tang-ina!
Madaling araw na ako nang matulog. Gusto kong tapusin ang araw na pagod na pagod na ako para bukas gigisng ako ng tanghali at wala na akong maramdaman. Pero napasama ata. Naiiyak ako.
Nakita ko siya sa panaginip ko. Nasa isang sulok ako nakaupo at tahimik lamang. Makalipas ang mahabang panahon syaka lang kami ulit nagkita. Hindi natuldukan ang nangyari sa amin. Yun ang katotohanan. Nagsimulang tumulo ang luha sa mata ko. Lumapit siya at lumuhod sa kinauupuan ko. Sabi niya kamusta ka na? Lalo akong napamahal at ang nasabi ko lang mahal pa rin kita. Nagsimula rin siyang lumuha, ang sabi niya may bago na raw siya. Galing din umano sa My something. Basta ganun ang simula di ko maalala. Yun ata ang pangalan ng kompanya nila. Lalo akong naluha, nanghihina at walang magawa. Namumuo ang pawis sa aking mukha, unti-unting bumababa sa akong katawan. Minamanhid ako. Di makagalaw at hinawakan niya ang aking braso. Sabi niya pero di ko alam na mahal mo pa rin ako. Ang sagot ko, sorry mahal pa rin kita. Niyakap niya ako at niyakap ko rin siya sabi niya, namumuo pa lang naman daw sa kanila nung bago niya. Lalo ako napaluha, at sabi niya na di na niya alam ang gagawin niya.
Naputol ang panaginip ko. Ako ay naluha.
Lalaki sa Septic Tank-
Apat na araw na trabaho at isang araw na bakante dahil sa bagyo. Ayos!, sana may dumating pa.
Nahuli ako sa trabaho kanina, dalawampung minuto rin iyon. Nahuli ako ng gising. Napasarap ang tulog ko o tinamad ako? Di ko alam basta iyon na yun. Matapos ang pagtatrabaho ay nagpasya ako na mamasyal. Wala talaga sa plano pero dahil naisip ko na baka lumipad na naman ang pera ko na di ko nalalaman ay mas mabuti pa na bumuli na ako ng aking mga kailangan. Sa totoo lang ay hindi naging maganda ang simula ng araw ko. Una nga nahuli ako sa klase, pangalawa may isang tao na naman na nagdala sa akin pabalik sa isang bagay na matagal ko ng iniiwasan. Ngunit di ko talaga maunawaan, lalo akong umiiwas mas lalo rin naman na lumalapit sa akin ang aking iniiwasan. Hindi ko alam kung takot ba akong marinig o inaasahan ko rin na ito ay aking marinig.
Gaya ng dati ang destinasyon ko ay patungo sa EDSA, subalit sa pagkakataong ito ay di na gaya ng dating sistema. May kailangan lang akong bilin kaya ko dadayuhin ang lugar na iyon. Mahaba ang byahe kaya't sinamantala ko ang pagtulog. Alam ko na mababaw lang ang tulog ko subalit nakaramdam naman ako ng kaginhawaan kahit papaano. Bumaba ako sa Baclaran, marami ang bus. Di magkamayaw ang mga tao, buti na lang naiwasan ko agad ang matinding sikat ng araw at nakasakay ako agad ng dyip pa MRT. Niligid ko ang mata ko sa paligid, wala naman masyadong nagbago maliban na lang mga naglalakihang poster sa paligid ko. Di rin trapik, mabilis akong nakarating sa babaan pasakay sa MRT. Namiss ko ang lugar na iyon halos apat na taon ko rin naging service ang MRT. Pagkaayat ko sa MRT ay bumulagta sa akin ang mahabang pila. Shet jabar-jabar na naman ang makakatabi ko. Siksikan ang mga tao kaya't todo protekta ako sa bag ko sapagkat nandun ang aking mga kayamanan. Halos nagkakatulakan na at dahil na rin sa maliit lamang ang espsayo ng pila ay di ka basta-basta makakasingit. Subukan lang na maningit at baka masakatan sila ng mga tao na nagtyatyagang pumila kahit na ubod ng haba. Naibsan naman ang kabagutan ko sa haba ng pila ng marami akong nakitang magagandang babae sa pila ng MRT. Di na talo, mata ko pa lang busog na. Pagkapasok sa loob ay di na ako nakipila sa bilihan ng tiket. Dun na ako sa kinse ang pamasahe. Lugi man ako ng tatlong piso, ayos lang di naman ako lugi sa mga kili-kiling maaaring sumayad sa damit ko dahil sa dami ng nakapila ng tao.
Malamig pa rin ang aircon ng MRT. Kaunti ang tao. Nakakaloko. Mahaba pila sa labas pero sa loob hindi siksikan. Umalis kaagad ang tren. Ang dami ng bagong modelo sa mga naglalakihang billboard sa EDSA. Pag dumadaan ako nun dun pinapangarap ko na magkaroon din ako dun ng poster. Kahit naka-underwear ok sa akin. Pangarap lang naman. Nag-ipod ako hinayaan ko na awitan ako ng The Script. Nag-emo na naman ako. Pag naiisip ko na nageemote na naman ako pinapaniwala ko ang sarili ko na mas kailangan ko iyon para mas makapagsulat pa ako ng mga kuwento ko na maaaring kuwento rin ng iba. Dati rati ang hinto ko ay sa Boni ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na. Gusto ko sana bumaba ng huminto ang tren dito namiss ko ang Siomai House at namiss ko rin ang Rob Place o namiss kita? Dumating na ako sa aking destinasyon sa Ortigas Station, nagtungo muna ako sa Shang, busog na naman ang mga mata ko sa mga naggagandahang babae. Hanep di talaga ako talo sa trip ko. Si ate pa rin ang nagtitinda, gaya ng dati nauto ko na naman siya. Binigyan na naman niya ako ng freebies. Iyan ang kala ng iba, hindi purket Rustan ka bibili ay di na sila makamasa. Sa SM di ako nabibigyan ng freebies na ang presyo ay halos kapresyo na ng nabili mo. Hanep diba? Di ko na sasabihin ang produkto. Akin na lang un at bukod pa dun di nyo ito kailangan.
Matapos nito ay naglibot muna ako ng kaunti sa Shang, bago na ang disenyo ng paligid ngunit wala namang bagong establishimento. Ganun pa rin. Lumabas na ako at gaya ng dati ay lalakad ako papuntang Mega, apat na buwan pa lang ang nakakalipas ngunit buo na agad ang condo na dati ay lupa lang ng aking dinadaanan. Ang bilis talaga magbago ng panahon. Parang ikaw. Pagdating sa Mega, marami na rin ang bago, mas lalo akong nalungkot pakiwari ko lahat ay nagbago na at ako na ang hindi pa. Ito pa rin ako tulala. Sandali kanta ata iyon huh! Kumain ako ng mag-isa sa Chowking, solve busog ako. Dumaan sa simbahan at nagdasal. Nagpasalamat na buhay pa rin ako at gabayan Niya ako sa mga desisyon ko.
Marami ring magagandang babae sa Megamall. Nagkalat sila kaya't lalo akong nabusog. Marami talagang babae sa mundo at alam kong marami pa akong makikila pero sa dami nun ikaw pa rin ang aking hinahanap. Sana nga kalat na lang na basura ang mga babae para pwede ko siang pulutin at ilagay sa tamang lalagayan. Sa puso ko! haha! Hindi ko alam kung saan talaga ako pupunta sa Mega sapagkat tapos na ang kailangan kong bilin sa Shangri-la. Mabuti na lamang at may nakapagsabi sa akin na may sale raw ng sapatos sa Mega Trade. Doon ako nagtungo, ayosa ng presyo ng sapatos at bag, ang problema wala akong trip sa aking mga nakita. Nagpasaya ako na manood na lang ng babae sa septic tank. Hanep nakakatawa, pero mas napabilib ako sa ideya ng sumulat. Ang lupet! Si Chris Martinez pala! Feeling ko close kami purke nabasa ko lang ang Last Order sa Penguin!
Inaamin ko naging masaya ko sa pelikula ngunit mas magiging masaya ako kung kasama kita. Nagbago ang tono ng aking panulat. Nagsimula ng sumakit ang aking mga kamay. Subalit pinipilit ko na tapusin ang tumatakbo sa aking isipan gaya ng kagustuhan ko na makalimutan na kita. Sa bawat lugar na tinapakan ko sa Edsa ay ikaw lang ang aking naaalala. Di ka makatkat sa aking isipan. Hinamon ko pa ang pagkakataon na makita ka subalit sa pagkakataong ito ako ay natalo. Sinubukan ko rin na.... pero di ko na itutuloy... ngunit ako ay muling nabigo, wala akong nakita. Di kasi nila alam ang nangyari, di nila alam kung paano nalason ang iyong isipan ng pagkakataon at kapusukan. Gabi-gabi ay panambitan ko na ikaw ay Kanyang gabayan. Natuwa naman ako sapagkat mayroon ka ng pinagkakabalahan.
Hindi ko alam kung paano ko tatapusin ang kuwento. Kaya ko pang habaan kaso nangangalay na ang mga kamay ko. Basta di ako nakatiis kanina, nagchillz ako sa Ministop!
Pakiramdam ko ako ang lalaki sa septik tank. Di ako makaahon sa dulot ng dumi, baho at sakit ng pagkakahulog ng panahong ako ay nasaktan. (nakanang qoute yan ako nakaisip nyan!) ORIGINAL KO YAN! DI GINAYA HAHA!
Subscribe to:
Posts (Atom)



