Tuesday, August 30, 2011

Kung Bakit Ko Paborito ang Kulay Ube

Tapos na ang bakasyon at patapos na rin ang buwan ng Agosto. Maraming nangyari at maraming pangyayari ang dapat nang kalimutan. Kasalukuyan akong naghahanap ng paghuhugutan ko ng inspirasyon upang makapagsulat ako nang makabuluhan at nag-iisip din akong magbagi ng kuwento na maaaring sa iba ay walang kuwenta subalit sa akin ay hindi. Wala akong maisip na tema subalit may naisip akong pamagat mula rito ay bubuo ako ng kuwento.

KUNG BAKIT KO PABOITO ANG KULAY UBE

Nagising ako nang maaga dahil sa tumamang liwanag sa aking mukha mula sa labas ng bintana. Nakalimutan kong takpan ito kagabi. Bumangon ako na may ngiti sa aking mukha bagamat alam ko na bitin pa ang aking pagtulog. Binuksan ko ang telebisyon at nakita ko ang isang artista na nakapagpaalala sa akin sa kanya. Di ko ito ininda, sanay na ako. Iba ang artista na nakikita ko sa telebisyon at iba siya. Maya-maya pa ay nabagot ako sa palabas kaya't nagpasya akong bumalik sa aking higaan. Iniisip ko na naman kung ano ba talaga ang misyon ko sa mundong ibabaw. Pakiramdam ko ay isa akong superhero na biniyayaan ng isang talento na hindi ko alam kung paano pagyamanin. Ipinikit ko ang aking mga mata at nanalangin. Hiniling ko na sa mga susunod kong pagtulog ay makita ko kung saan ba talaga ako nararapat. Kung ano ba talaga ang dapat king gawin sa mundong ibabaw. Malinaw sa akin na nilikha ako upang maging isang guro subalit mas malinaw sa akin na nais kong yumaman. Yun nga lang, malabo sa akin kung sa paanong paraan. Muli akong bumangon at sinipat ang aking email. Baka sakaling kumatok ang pagkakataon na may matanggap akong oportunidad sa ibang bansa, subalit wala.

Sumagi ka na naman sa aking isip, sinubukan kong pigilan subalit di ko nagawa. Wala na akong nararamdaman na sakit, naalala ko na lang ang lahat. Ang malinaw sa akin ngayon ay mag-isa kong tutuparin ang aking mga pangarap. (na dati nating pangarap)

Inayos ko ang aking mga gamit. Ang dami ko na palang damit, madami na rin akong napundar na gadget subalit hindi nito kayang tumbasan ang kaligayahan na nais kong makamatan, ang matalunton muli ang iyong puso. Subalit alam ko na ang lahat ay pangarap na lamang. Suntok sa buwan na ako ay iyong mapansin. Abala ka na sa iyong buhay habang ako'y ito pa rin. Naghihintay sa pagkakataong ibibigay Niya sa akin. Nakita ko ang huli mong regalo sa aking aparador, di ko pa rin ito nagagamit, hayaan mo't iingatan ko at hindi sisirain, gaya ng pag-iibigan noon natin. Matapos nito ay nilabhan ko ang kulay ube kong bag, dun lang naging malinaw ang lahat sa akin, kaya pala naibigan ko ang kulay ube sapagkat ito'y paborito mo rin.

Magandang Gabi!

Sunday, August 28, 2011

Resorts World,

Naisin ko man maglagay ng maraming larawan sa blog ko ngayon ay hindi ko magawa sa dahilang ang bagal mag-upload. Sa katunayan ay nagkaroon na ako ng pagkakataon na mag-apply para sa PLDT DSL kesa naman magtiyaga ako sa mabagal na connection.

Marami akong gustong isulat, marami akong gustong ibahagi subalit may hindi umaayon ang kamay ko sa aking utak. Ang kamay ko ay walang gana, samantalang ang utak ko naman ay nais gumawa. Naging masaya ako sa pagdiriwang ng aking kaarawan, inakala ko na pangkaraniwang araw lamang ang lahat. Nagulat ako nang may sorpresa na dumating at ito ay di ko inaasahan. Malapit sa akin ang pamilyang Halnas. Sa panahong ako ay lubog ay isa sila sa mga (tunay) na kaibigan na tumulong sa akin upang makita ko na may pag-asa pa ang lahat, Kahit sa makulit kong pag-uugali ay nakinig sila at di nila ako iniwan. Naghanda sila ng isang regalo na kailaman ay hindi ko makakalimutan. May larawan ako ng kanilang cake na ibinigay subalit hindi ko ma-upload dito. Di ko alam. Abnormal ang connection. Lubos akong nagpapasalamat sa kanila sapagkat di nagtapos ang pagdiriwang sa araw na iyon dahil kagabi ay magkakasama pa rin kami at nagroadtrip kung saan-saan. Nakarating kami sa Resorts World. Maganda ang lugar subalit ang daming tao. Mistulang Divisoria subalit may mga itsura ang mga tao at halatang maykaya. Ngunit may mga jejemon din naman. Pinaghalong naghaharing-uri at naghaharing jejemon.

Samantala nakatanggap din ako ng regalo mula kay Leanne Lusanez. Sana ay tama na ang ispeling ko ng pangalan niya. Di ko inaasahan ang t-shirt na may Superyuan ang na nakatatak. Ang ganda at alam ko na hindi ito mumurahin. Ang sabi ko sa kanya kung sakaling matapos ko ang tesis ko ay siya ang pasusulatin ko sa paglalarawan sa akin. At iyon ay tutuparin ko. Susuotin ang kanyang regalo sa takdang panahon. Nagbigay din ng pagkain si Pj Santos at Aivey Flores sa akin. Nagulat ako nang dumalaw sila sa room ko. Sa pagkabagot ko sa dahilang sila-sila lang din ang nakikita ko bukod sa apat na sulok na aking kuwarto ay binibisita nila ako kung minsan. Subalit natuwa ako nang batiin nila ako sa aking kaarawan para batiin ako at dalan ng pagkain.

Kakarinig ko lang sa telebisyon na ang pag-ibig ang nagpapaikot sa mundo subalit hindi lahat ay pinapalad dito. Tama sila subalit napagtanto ko na maswerte ako sa mga taong nakapaligid sa akin. Sa mga tunay na tao na di ako iniwan at nariyan lagi sa tabi ko. Nagpapasalamat ako sa mga bumati at di bumati sa kaarawan ko. At ngayong papatapos na ang Agosto ay masasabi ko na naging makabuluhan sa akin ang buwan na ito. At sa darating na Setyembre ay mas lalo akong magiging abala. Panahon na ito ng pagbangon mula sa pagkayurak at pagkapahiya. May tatapusin akong misyon sa lalong mas madaling panahon.

Nakatanggap din ako ng email mula sa... Di ko alam kung pupuntahan ko ngunit baka ito na ang break ko. Samantala ang crush ko ay nasa Maynila na. :0 Masaya ako. :D Ngunit di naman kami magkikita. Sa pagkakataong ito ay isinarado ko muna ang pintuan ng aking puso. Di pa ako handang magmahal muli. Mas masaya ako ng single at future ko muna iisipin ko.

Pagod na kamay ko. Bye!

Friday, August 19, 2011

Itutuloy



Ang aga kong nagising sa dahilang may pupuntahan akong impotanteng lakad. Nasasabik na ako sa mga magaganap sa mga susunod na araw at sa susunod na buwan. Nakatext ko kahapon ang adviser ko at nais niya na unang buwan pa lamang ng ikalawang semestre ay makapagdepensa na ako. Namimiss ko na ang livejournal ko, namimiss ko na ang pagsusulat sa Ingles. Baka kinakalawang na ang bokubolaryo at di ko na magamit ang mga hullabaloo terminologies ko na natutuhan ko sa kaibigan ko. Gusto ko sanang gawing teoritikal ang paraan ng aking pagsusulat subalit tinatamad ako na maghalungkat ng mga libro ko. Ang naisip kong isulat ngayon ay ang mga paborito kong pelikula. Lima lamang ang pipiliin ko dahil wala akong masyadong oras na magblog, naisingit ko lang ito dahil sa nangangati kong kamay.

MOVIE (Noun)
  1. A sequence of photographs projected onto a screen with sufficient rapidity as to create the illusion of motion and continuity.
  2. A connected cinematic narrative represented in this form.
http://education.yahoo.com/reference/dictionary/entry/movie


Lemony Snicket's A Series of Unfortunate Events


Nalaman ko ang pelikulang ito sa isa kong kaibigan, nung una ay hindi ko pinapansin ngunit nang mapanood ko ng buo ay nalaman ko na napakaganda pala ng pelikulang ito. Siguro lagpas sa sampung beses ko napanood ang pelikula ko na ito. Ito ay tungkol sa tatlong magkakapatid na sina Klaus, Violet at Sunny (ang cute) at ang kanilang pakikipagsapalaran sa kanilang buhay ng sila ay maulila. Sila ay napunta sa isang kamag-anak na si Count Olaf na may masamang balak dahil nais nitong makuha ang yaman ng pamilya ng magkakapatid. Subukan nyong panoorin matutuwa kayo.

500 Days of Summer

Haaaay... Butung hininga, nalulungkot ako kapag napag-uusapan ang pelikula na ito. Pakiramdam ko ako si Tom. Simple lamang ang kuwento subalit makulay at malikhain ang pagkakagawa nito. Tungkol ito kay Tom at Summer at ang kanilang relasyong magkaibigan lamang. (relasyon nga ba?) At sa relayong iyon ay tuluyan nang nahulog si Tom kay Summer samantalang si Summer naman ay... (bibitinin ko) Tiyak na kayo ay kikiligin at maaaring paiyakin sa dulo. Pinakapaborito kong tagpo rito ay ang huling pag-uusap ni Tom at Summer. Panoorin nyo na lang. Yung ibang linya na trip ko sinulat ko sa livejournal ko, nakakatamad kunin. Kung gusto nyo bisitahin nyo para mabasa nyo naman ako magsulat ng Ingles.

(3) A Walk To Remember


Bukod sa naging crush ko noon si Mandy Moore ay nagustuhan ko talaga ang pelikula niya na A Walk To Remember. Naalala ko pa nung college ako ang binder ko ay may larawan niya. Anyway, ang husay ng pagganap ni Shane West (na ngayon ay nasa Nikita series na) at Mandy Moore sa pelikulang ito. Dama-dama ko ang kanilang wagas na pagmamahal hanggang sa yumao sa dulo sa Jamie Sullivan. Ang hindi ko makakalimutang linya rito ay ito, "Are you afraid to die? (Landon) No, I'm afraid of not being with you. (Jamie) Ang sweet lang eh. Makahanap lang ako na katulad ni Jamie Sullivan na simple lang ay di ako manghihinayang na siya ay aking pakasalan. (Joke!)

(2) One More Chance

Sa totoo lang bihira akong manood ng pelikulang Filipino na ang tema ay pag-ibig. Ang One More Chance lamang ang isa sa mga pelikulang Filipino na pumukaw sa aking atensyon. Lagpas pa sa 15 beses ko na napanood ko ang pelikulang ito. Ang husay kasi ni John Lloyd at Bea, damang-dama ang pagmamahalan ni Popoy at Basya. Naniniwala ako na ang lahat ay may isa pang pagkakataon. Maaari pang magbago. Dahil sa pelikulang ito ay mas naging malinaw sa akin ang pakikipagrelasyon at nalaman ko rin na kung ang dalawang tao ay nakatakda para sa isa't isa, magkikita pa rin sila sa dulo.

(1) Star Wars

Basta paborito ko ito. Mahabang usapan pag Star Wars! :)) Nakakatamad talaga magblog ngayon. :)) Bye!



Si Bren Zafra

Kapag may limitasyon ang pagsusulat nahihirapan ako. Kapag masyadong pormal din ang pagsusulat ganun din ang nararamdaman ko. Kasalukuyang tinitipa ko ito sa Microsoft Word sa dahilang wala akong internet connection. Pagtyatyagaan ko muna ito kesa sa wala at masayang ang nag-uumapaw na ideya sa aking utak.

Sa totoo lang nababagot na ako sa trabaho. Walang bago. O siguro kaya ako nababagot sa dahilang apat na sulok lang ng kuwarto ang nakikita ko. Nasasabik na rin akong magturo ng Panitikan. Hindi kasi ako masyadong makapagsalita roon ng Filipino. Minsan nga nag-Taglish ako nasita pa ako. Ang sagot ko, yung simpleng Tagalog na salita nga lang ay di nila maunwaan paano pa kaya ang mas malalim na bokubularyo. Tumahimik siya, sabay dugtong ko, kaya kong maging purista, depende yan sa kausap ko, sa makukuha ko at sa sweldo.

Naatasan akong bigyan ng isang trabaho. Malikhain umano. Di ko alam kung paano ito gagawin, malikhain lang naman (ata) ako kapag kuwento ng pag-ibig. Kapag pag-uusapan kung gaano kasakit masaktan sa pag-ibig. Dahil ako mismo naramdaman ko yun. May nagbenta sa akin ng isang pambabaeng produkto. Ang sabi sa akin, sir para sa girlfriend mo. Napangiti ako, at napahinto. Tila estatwa na di matinag. Nang makabalik ako sa ulirat, ayun nasabi ko tuloy na, di ko po kailangan yan dahil wala naman po akong girlfriend. Nagulat ang lahat, ang dalawa sa nakarinig ay nagtaka. Pakiramdam ko artista ako na nais nilang malaman ang kabuuan ng aking kuwento. Ngunt dahil hindi, ayun lang ang naging reaksyon nila.

Papalapit na ang buwan ng Oktubre at magtatapos na ang isa sa aking mga kaibigan. Gaya ng iba ay kapanalig ko rin siya sa karerang aming tinatahak. Hindi ako makapaniwala na ako ang kinuha niya na gumawa ng paglalarawan sa kanya. Sa totoo lang ay mas mahusay siyang magsulat kaysa sa akin. Pakiramdam ko tuloy ako ang kumatha sa kanya. Ang sabi ko naman pag sumikat ako ay isa sa paborito kong estudyante ang kakatha sa akin. Si Leanne, kung itutuloy niya ang pagususlat.

Trial 1

Tubong Pagbilao Quezon, Bren Zafra ang pangalan.

Sa porma at itsura pa lang ay tiyak na kahuhumalingan. Subalit hindi iyon ang kabuuan niyang bala, sa halip ay ang husay at talino sa kanyang karera. Sa edad na dalawapu’t anim ay natapos niya ang kanyang masters at sa lalong mas madaling panahon ay nais naman niyang tapusin ang kanyang doktorado. Mataas pa sa Mount Everest ang kanyang mga pangarap. Sintaas ng mga nangniningning na bituin sa kalangitan. Ngunit kabaligtaran (nito) ng taas ng kanyang mga pangarap ang kanyang katauhan, sapagkat siya ay mapagkumbaba at simple lamang. At higit sa lahat, siya ay may matinding pananampalataya sa Maykapal. Siya si Bren Zafra, tubong Pagbilao Quezon, certified na LASALISTA.

Trial 2

Sa porma at itsura pa lang ay tiyak na kahuhumalingan. Subalit hindi iyon ang kabuuan niyang bala, sa halip ay ang husay at talino niya sa kanyang karera. Mataas pa sa Mount Everest ang kanyang mga pangarap. Sintaas ng mga nangniningning na bituin sa kalangitan. Ngunit kabaligtaran nito ang kanyang buong katauhan, sapagkat siya’y mapagkumbaba at simple lamang. At hindi batid ng lahat, siya ay may matinding pananampalataya sa Maykapal.

Siya si Reynele Bren Glorioso Zafra, tubong Pagbilao Quezon, certified LASALYANO.

Monday, August 15, 2011


Ayoko sanang pumasok kanina, ang sarap kasing matulog pa. Kaso naisip ko sayang yung kikitain kong pera. Hindi naman ako nahuli kanina sa klase, isang lagok lang ng mainit na kape, ayos, simula na ang seremonya. Nagturo ulit ako ng panibagong, pagkatapos ng plurazation of nouns ay capitalization naman. Hanep, f na f ko ang pagtuturo ng Ingles! Natutuwa talaga ako sa pagtuturo ng Ingles sa dahilang natututo ako at mas lumalawak pa ang aking kaalaman, samantala nababagot naman ako sa pagtuturo ng Filipino. Nabababawan kasi ako, pero ayos lang naman.

Ayokong maging makata, subalit di ko alam kung bakit tila ang dulas ng aking dila. Ay este pagtipa. Hinabol ko kanina ang dapat kong habulin. Nagmistula akong Superman sa bilis at pati ang pagsabit sa dyip ay pinatos ko na. Pag dating ko sa pamantasan, walang tao. Gumuho ang mundo ko. Ang sabi ko hihintayin ko muna, makalipas ang ilang minuto, madilim na. Naglalabasan na ang mga tao. Nagbukas ako ng itouch, nawalan ako ng pag-asa. Sa paglalakad ko sa Intramuros, sinabi ko sa sarili ko na hindi ko na muna ako babalik. Hihintayin ko na lang ang tawag nila. At kung hindi tumawag,nangangahulugan na di para sa akin iyon.

Noong nakaraang Sabado naman ay nasa Diamond Hotel ko. Ang sarap magsuot ng coat and tie. Feeling ko ang yaman yaman ko. May nakita akong shole dun na stripes ang kulay. Ang ganda! Kaso mahal at wala akong pera. Tagal kong hinanap un, sa Diamon Hotel ko lang pala makikita. Ang ganda ng debut ni Djane Leslie Lim. Hanep ang tanda ko na, may estudyante na ako na nagdebut. (o siya yung matanda) Feel na feel ko yung 18 models/ 18 roses pero mas naramdaman ko yung pagmamahal ng magulang ni Djane, maswerteng bata. Ang ganda ng production number nila ng dad nya. Cool dad nga! Sumayaw sila na parang sila lang ang tao sa entablado. Ang cute nilang mag-ama. Sabi ko pagtanda ko pipilitin kong maging katulad ng dad ni Djane.

Walang pagbabago, lagi na lang huli ang pagpapaswel. Di ko alam ang dahilan pero umaasa pa rin ako (kami) na magbabago. Kakatapos lang ng ulan kaya ang init na, pagkatapos nito ay maliligo na ako. Alam mo may itsura ka sana kung matututo ka lang mag-ayos. Mahaba pa ang byahe ko sa Pinas ngunit di ko isinasarado ang pag-iibang bansa. Mas magiging abala ako sa mga susunod na linggo at buwan, ang I'm loving it! :))

Konti na lang baka ligawan na kita pero wag muna, tinatamad ako mas okay ako na walang iniitindi. Kung pwede nga lang magtago sa malayong lugar gagawin ko. Tapos babalik ako pag ayos na ang lahat. Kokontakin ko ang ate kong mahal. Magpapalibre ako ng pamasahe pa-Dubai kapag ang lahat ay di naayon sa pinagagawa ko sa kasalukuyan.


Monday, August 8, 2011

Sunday, August 7, 2011

Let go and let God

Hindi ako makatulog, bumangon pa ako sa aking higaan para lang magsulat. Pagkatapos kong magsulat ito humarap naman ako sa computer ko. Maaga ang pasok ko bukas, sana lang di ako tanghaliin ng gising. Hindi ako motivated. May kulang di ko alam kung ano iyon.

Dumami na ang view ng blogspot ko. Ang bilis, masaya na ako na kahit papaano ay may nagtyatyagang bumasa ng pinagagagawa ko. Pwede rin kayong magkomento kung nais ninyo. Galing ako sa simbahan kanina. Nahuli ako ng ilang minuto pero okay lang simula pa lang naman halos ang misa. Maganda ang aura ng simabahan, gaya ng dati si Father Duds pa rin ang pari. Sakto ang aral ng kanyang misa. Pinatamaan ata ako o feelingero lang ako?

Nagsimula ang misa sa multo. Takot ba raw tayo sa multo. Kung may recitation lang, nagtaas na ako ng kamay at sasabihin ko na oo. Ngunit di iyon ang punto niya. Nais niyang sabihin ay multo ng nakaraan. Patay na, naloko na lumalayo na nga ako, ito naman mismo ang pagkakataon ang naglapit sa akin. Ang sabi ni father naniniwala ba raw kami sa forgive and forget. Di ako nagtaas ng kamay ngunit halos lahat nagtaas. Pinaliwanag niya ang punto niya. Di rin daw siya umano naniniwala sa kasabihang ito. Sa halip naniniwala siya sa forgive and and remember with healed memories. Hinalimbawa niya ang isang sugat, masakit sa una ngunit habang tumatagal ay gagaling din ito at mag-iiwan ng marka, ito ay ang peklat. Ang peklat ba raw ay masakit? Hindi na raw sa isip lang ito. Nakita ko ang punto ni father, tama siya. Tama rin siya na ang kasabihang forgive at forget ay di naman maaaring magamit sa lahat ng pagkakataon. May isip nga tayo diba kaya di natin basta-basta makakalimutan ang mga bagay. Yung mga tipong inaral ka natin noon ay may kakayahan tayong alalahanin gaya ng pag-alaala natin sa mga multo ng kahapon.

Multo na kung multo subalit naliwanagan ako sa kanyang payo bagamat ang payo naman na ito ay pangkalahatan. Sa bawat mabigat sa pagsubok na ating dinadanasa, kailangan lang natin ng SAMPALATAYA. SAM(iisa) PALA (palagi) at TAYA (sugal) Nangangahulugan na sa isa lang tayo sasampalataya sa Kanya lang tayo susugual. Para raw itong pagtaya sa lotto na isang numero lamang ang inaalagaan mo at nagbabakasakali na manalo ka balang araw. Walang kasiguraduhan ngunit naniniwala ka at nagtitiwala. Pero di punto ang pagtaya sa lotto, ito ay ang pagtitiwala sa Kanya. Na si Pedro na lumakad sa tubig sapagkat nakita niya ang Panginoon na lumalakad din sa tubig ay unti-unting nakaramdam ng paglubog. Natakot siya at hinawakan ng Panginoon. Isang halimbawa raw umano ng mababaw na pananampalataya.

Maaaring nakakatawa sa mambabasa ang pinagsusulat ko. Pakiramdam ko pati mga kaibigan ko ay nagsasawa na rin sa pakikinig ng kuwento ko. Subalit hindi naman ako humihingi ng awa ang kailangan ko ay pag-unawa. Mahirap masaktan, mahirap din magsakrapisyo sa isang tao na iniwan ka sa mababaw na dahilan. Yung tao na di ka binigayan ng pagkakataon na magpaliwanag. Yung tao na sa magagandang bagay na ipinakita mo ay nilapastanganan, niyurakan at tinawanan ang iyong pagkatao.

Di ako bitter at di ko na rin nais na bumalik pa sa piling niya. Nalulungkot lang ako. At sa bawat araw na mag-isa ako ay naiisip ko siya. Okay lang din naman kung ang tingin sa akin iba ay bitter o kung mismo siya atleast alam ko na kaya ko nararamdaman ito sapagkat naging totoo at puro ang ipinakita ko sa kanya. Di gaya ng iba na panandaliang kasiyahan lamang at ginamit ang kanyang kahinaan.

Di ako galit sa kanya, galit ako sa ginawa niya. Gaya ng sinasabi ko pakiramdam ko ay ako ang lalaki sa septic tank, gusto kong umahon ngunit walang bukal ang loob na tumulong. Ang magtiyaga na unawain ako sa aking pinadadanan kaya ang ang pagsulat na lang at panalangin ang aking naging sandalan.

Ayoko nang makita ka at ayoko na rin may marinig pa tungkol sayo. Hindi nila alam ang tunay na nangyari. Subalit nagpapasalamat ako sa mga taong nakakaalam ng tunay na kuwento sa likod ng mga nagkukubling nakaraan.

Titiisin ko ang mga araw na dadalawin ako ng multo ng kahapon at gagamitin ko ang sandata ng pananalig. tama nga si Father Duds. Tapos na ang lahat, di mo kailangan saktan ang sarili mo para sa mga taong nananakit sayo. May dahilan ang lahat.

Nagpasya akong magpalit ng numero, binura ko na rin ang lahat ng larawan namin.

Isang kataga ang sinabi ni Father Duds na tumatak sa aking isip, LET GO AND LET GOD!

Magandang Gabi!