Kapag may limitasyon ang pagsusulat nahihirapan ako. Kapag masyadong pormal din ang pagsusulat ganun din ang nararamdaman ko. Kasalukuyang tinitipa ko ito sa Microsoft Word sa dahilang wala akong internet connection. Pagtyatyagaan ko muna ito kesa sa wala at masayang ang nag-uumapaw na ideya sa aking utak.
Sa totoo lang nababagot na ako sa trabaho. Walang bago. O siguro kaya ako nababagot sa dahilang apat na sulok lang ng kuwarto ang nakikita ko. Nasasabik na rin akong magturo ng Panitikan. Hindi kasi ako masyadong makapagsalita roon ng Filipino. Minsan nga nag-Taglish ako nasita pa ako. Ang sagot ko, yung simpleng Tagalog na salita nga lang ay di nila maunwaan paano pa kaya ang mas malalim na bokubularyo. Tumahimik siya, sabay dugtong ko, kaya kong maging purista, depende yan sa kausap ko, sa makukuha ko at sa sweldo.
Naatasan akong bigyan ng isang trabaho. Malikhain umano. Di ko alam kung paano ito gagawin, malikhain lang naman (ata) ako kapag kuwento ng pag-ibig. Kapag pag-uusapan kung gaano kasakit masaktan sa pag-ibig. Dahil ako mismo naramdaman ko yun. May nagbenta sa akin ng isang pambabaeng produkto. Ang sabi sa akin, sir para sa girlfriend mo. Napangiti ako, at napahinto. Tila estatwa na di matinag. Nang makabalik ako sa ulirat, ayun nasabi ko tuloy na, di ko po kailangan yan dahil wala naman po akong girlfriend. Nagulat ang lahat, ang dalawa sa nakarinig ay nagtaka. Pakiramdam ko artista ako na nais nilang malaman ang kabuuan ng aking kuwento. Ngunt dahil hindi, ayun lang ang naging reaksyon nila.
Papalapit na ang buwan ng Oktubre at magtatapos na ang isa sa aking mga kaibigan. Gaya ng iba ay kapanalig ko rin siya sa karerang aming tinatahak. Hindi ako makapaniwala na ako ang kinuha niya na gumawa ng paglalarawan sa kanya. Sa totoo lang ay mas mahusay siyang magsulat kaysa sa akin. Pakiramdam ko tuloy ako ang kumatha sa kanya. Ang sabi ko naman pag sumikat ako ay isa sa paborito kong estudyante ang kakatha sa akin. Si Leanne, kung itutuloy niya ang pagususlat.
Trial 1
Tubong Pagbilao Quezon, Bren Zafra ang pangalan.
Sa porma at itsura pa lang ay tiyak na kahuhumalingan. Subalit hindi iyon ang kabuuan niyang bala, sa halip ay ang husay at talino sa kanyang karera. Sa edad na dalawapu’t anim ay natapos niya ang kanyang masters at sa lalong mas madaling panahon ay nais naman niyang tapusin ang kanyang doktorado. Mataas pa sa Mount Everest ang kanyang mga pangarap. Sintaas ng mga nangniningning na bituin sa kalangitan. Ngunit kabaligtaran (nito) ng taas ng kanyang mga pangarap ang kanyang katauhan, sapagkat siya ay mapagkumbaba at simple lamang. At higit sa lahat, siya ay may matinding pananampalataya sa Maykapal. Siya si Bren Zafra, tubong Pagbilao Quezon, certified na LASALISTA.
Sa porma at itsura pa lang ay tiyak na kahuhumalingan. Subalit hindi iyon ang kabuuan niyang bala, sa halip ay ang husay at talino niya sa kanyang karera. Mataas pa sa Mount Everest ang kanyang mga pangarap. Sintaas ng mga nangniningning na bituin sa kalangitan. Ngunit kabaligtaran nito ang kanyang buong katauhan, sapagkat siya’y mapagkumbaba at simple lamang. At hindi batid ng lahat, siya ay may matinding pananampalataya sa Maykapal.
Siya si Reynele Bren Glorioso Zafra, tubong Pagbilao Quezon, certified LASALYANO.
No comments:
Post a Comment