Tapos na ang bakasyon at patapos na rin ang buwan ng Agosto. Maraming nangyari at maraming pangyayari ang dapat nang kalimutan. Kasalukuyan akong naghahanap ng paghuhugutan ko ng inspirasyon upang makapagsulat ako nang makabuluhan at nag-iisip din akong magbagi ng kuwento na maaaring sa iba ay walang kuwenta subalit sa akin ay hindi. Wala akong maisip na tema subalit may naisip akong pamagat mula rito ay bubuo ako ng kuwento.
KUNG BAKIT KO PABOITO ANG KULAY UBE
Nagising ako nang maaga dahil sa tumamang liwanag sa aking mukha mula sa labas ng bintana. Nakalimutan kong takpan ito kagabi. Bumangon ako na may ngiti sa aking mukha bagamat alam ko na bitin pa ang aking pagtulog. Binuksan ko ang telebisyon at nakita ko ang isang artista na nakapagpaalala sa akin sa kanya. Di ko ito ininda, sanay na ako. Iba ang artista na nakikita ko sa telebisyon at iba siya. Maya-maya pa ay nabagot ako sa palabas kaya't nagpasya akong bumalik sa aking higaan. Iniisip ko na naman kung ano ba talaga ang misyon ko sa mundong ibabaw. Pakiramdam ko ay isa akong superhero na biniyayaan ng isang talento na hindi ko alam kung paano pagyamanin. Ipinikit ko ang aking mga mata at nanalangin. Hiniling ko na sa mga susunod kong pagtulog ay makita ko kung saan ba talaga ako nararapat. Kung ano ba talaga ang dapat king gawin sa mundong ibabaw. Malinaw sa akin na nilikha ako upang maging isang guro subalit mas malinaw sa akin na nais kong yumaman. Yun nga lang, malabo sa akin kung sa paanong paraan. Muli akong bumangon at sinipat ang aking email. Baka sakaling kumatok ang pagkakataon na may matanggap akong oportunidad sa ibang bansa, subalit wala.
Sumagi ka na naman sa aking isip, sinubukan kong pigilan subalit di ko nagawa. Wala na akong nararamdaman na sakit, naalala ko na lang ang lahat. Ang malinaw sa akin ngayon ay mag-isa kong tutuparin ang aking mga pangarap. (na dati nating pangarap)
Inayos ko ang aking mga gamit. Ang dami ko na palang damit, madami na rin akong napundar na gadget subalit hindi nito kayang tumbasan ang kaligayahan na nais kong makamatan, ang matalunton muli ang iyong puso. Subalit alam ko na ang lahat ay pangarap na lamang. Suntok sa buwan na ako ay iyong mapansin. Abala ka na sa iyong buhay habang ako'y ito pa rin. Naghihintay sa pagkakataong ibibigay Niya sa akin. Nakita ko ang huli mong regalo sa aking aparador, di ko pa rin ito nagagamit, hayaan mo't iingatan ko at hindi sisirain, gaya ng pag-iibigan noon natin. Matapos nito ay nilabhan ko ang kulay ube kong bag, dun lang naging malinaw ang lahat sa akin, kaya pala naibigan ko ang kulay ube sapagkat ito'y paborito mo rin.
Magandang Gabi!
Magandang Gabi!
No comments:
Post a Comment