Saturday, September 4, 2010

Pag-iisa

Nung bata ako, hindi ako mahilig magbasa. Para sa akin ang pinakamasarap na gawin ay matulog at kumain. Nakakabagot kasi minsan ang nagyayari sa akin. Routinary lang, paulit-ulit. Madalas akong mag-isa noon, lalo na nung kolehiyo. Di dahil nerd ako kundi siguro may hinahanap lang ako na tao na sasabay sa trip ko.

Kapag wala ang titser ko madalas na nagtutungo ako sa cr para maghilamos. Matapos nito ay magsipiliyo at babalik ulit ako sa klasrum para matulog. Habang abala ang mga kaklase ko sa pagkukwentuhan ako naman ay abala sa pagtulog. Sa totoo lang kaya ko naging paborito ang pagtulog sa dahilang bukod sa maginhawang pakiramdam ang hatid nito ay nakakatakas pa ako sa realidad ng mundo.

Sa pagkakataong ito ay nakakapaglakbay ako at kaya kong tumungo kung saan ko man naisin. Bukod pa riyan (wag naman sana bangungutin) ay natatakasan ko ng panandalian ang mga bagay na bumagabag sa aking isipan. Sa pagtulog hindi nila ako masasaktan. (wag lang literal!)

Kasalukuyan kong katabi ang aso namin. Si Obama. Itim siyang aso. Matipuno ang katawan at tahimik lang. Nung maliit pa si Obama. Madalas siyang umiyak. Nawalay kasi siya sa kanyang ina. Habang lumalaki siya ay nakikita ko ang pagbabago niya, mula sa pisikal gayundin sa kanyang pagkilos. Hindi na siya umiihi kung saan-saan. Sa halip ay umiiyak siya kapag nais niya itong gawin. Madalas ding matulog ang asong ito. Hindi ko ba alam kung ganun lang talaga ang aso. Likas sa kanila ang matulog nang matulog o baka naman sila ay may problema din na nais nilang takasan sa pamamagitan ng pagtulog din.

Ngayong bumalik na naman ako sa dating ako. Mag-isa at walang makasama. (wag literal!) Inuubos ko ang oras ko di na gaano sa pagtulog bagkus sa pagsusulat. Madalas din akong mamimili at kumain. Inuubos ang pera sa kung anu-ano. Kailan ko kaya matatagpuan muli ang tao na makakasama ko at maaari kong pangarapin na makasama sa buhay? Siya parin ba talaga ang nakalaan sa akin o may iba pang tao?

Masasagot lang ito, kapag tama na ang mali, kapag pwede na ang bawal, kapag naghilom na ang lahat ng sugat at higit sa lahat sa tamang panahon.

1 comment:

  1. magiging masaya din tayo sa takdang panahon. matatagpuan ang mga bagay at taong lubusang magmamahal at mamahalin din natin. wag tayong maghintay, imbis ay lasapin ang kagandahan ng NGAYON at tanggapin ng may ngiti ang KINABUKASAN. <3

    ReplyDelete