Tuesday, October 26, 2010

Ang Buhay ng Writer

Ang Buhay ng Writer
(Kuwento sa likod ng magazine na ito)

Tumambad sa akin ang madaming laptop. Nagulat ako, ngunit gaya ng iba kong kasama ay may dala rin ako. Nagsimula ang lahat sa pag-inon ng kape at kaunting kwentuhan. Iba talaga kapag produktong Starbucks, ang sarap. Maya-maya pa ay nagsimula nang magsalita si sir at ma'am. Ilabas na ang lahat ng isinulat, simulan na natin ang trabaho. Kailangan natin matapos ang magazine na ito.

Napakamot ako ng ulo dahil alam ko sa sarili ko na marami pa akong hindi naisusulat. Subalit dahil sa hinihingi ng sitwasyon ay kinailangan kong kumilos at mag-isip ng mas mabilis para makaabot ako sa deadline. Oo DEADline.

Tumahimik na ang lahat, kanya-kanya ng pagtipa sa mga dalang laptop. Ang iba ay naka-ipod. Ayaw ata paggambala sa ingay na naririnig mula sa katabing umpukan. Samantala, ako naman ay nagsimula na ring magsulat.

Sa totoo lang ay kung inaakala ninyo na madali ang magsulat ay nagkakamali kayo. Hindi ito kasingdali ng pag-inom ng isang frapp sa Starbuks. Samakatuwid kailangan mo ng talino, matinding karanasan, inspirasyon, dedikasyon at nasa mood ka rin ng panahon na iyon para sa pagsusulat. Kapag wala nun sa mga nabanggit. Matulog ka na lang.

Habang nagkakagulo ang mga tao sa labas dahil sa botohang pambaranggay ay abala rin kami para tapusin ang magazine na ito. Sinubukan kong magpatawa at kausapin ang aking mga kasama, at bilang respeto nakinig naman sila. Naramdaman ko na di buo ang atensyong ibinigay nila sa akin. Abala nga sila subalit ako ay nanatili pa rin nakatitig sa laptop ko at nag-iisip kung ano ang aking isusulat.

Samantala, ay napatingin ako sa isa kong kasama, ang husay niya pa lang gumuhit. Tahimik siya at nakita ko na seryoso siya sa kanyang ginagawa. Tinitigan ko kung ano ang kanyang iginuguhit. Logo pala ng Dalubwiquest. Ang ganda ng gawa niya walang kaparis. Sa kabilang bahagi naman ay nakita ko si mam at sir. Nakakunot ang noo, panay hawi sa buhok. Ramdam ko na nahihirapan sila.

"Naemail na sa akin ang tula, tanaga at iba pa, aayusin ko na ba?" sambit ng isa kong kasama. Sumagot ang head namin ng oo samantala ako gaya ng dati wala pa ring masulat. Tuloy pa rin ang lahat sa paggawa, ang lahat ay nagsusulat. Ang lahat ay kumikilos para sa isang layunin na matapos ang magazine na ito. Ang isang kasama naman namin ay abala sa pagkuha ng kung anu-anong larawan. Nasabi ko sa sarili ko na ang dali naman ng kanyang ginagawa. Konting anggulo lang tapos ok na. Ngunit mali ako, lalo akong napakamot ng ulo nang marinig ko kanya na ang dami niyang nakuhang larawan ngunit ilan lang naman ang kinukuha niya. Puro raw siya bura. Naisip ko para rin pala siyang nagsusulat.

Nagutom ang lahat, nagpasyang kumain. Sa harap ng hapag-kainan ay hindi nag-iba ang usapan, tungkol pa rin sa magazine. "Okay na ba ang isports? Ang iyong mga tula? O yung article mo?, akin na at edit ko na, yung featured articles ba natin meron na?, " Gusto ko sanang takpan ang aking tenga subalit dahil sa bahagi ako ng magazine na ito ay tiniis ko ang kanilang usapan. Buong puso akong nakinig at nakipagpalitan ng opinyon.

Hapon na at papalubog na ang araw. Lalo kong nararamdaman na kailngan ko nang matapos sa aking isinusulat. Ngunit gaya ng dati nahihirapan pa rin ako. Si mam at si sir abala sa pagproof read. Ang iba naman ay abala sa pagsusulat at pagsasama-sama ng mga articles. Ang galing nila, samantalang ako ay simple lang pinagagawa ngunit di ko magawa.

Natapos na ang lahat, ramdam ko ang pagod ng lahat. Nagpakain si sir at mam, tagumpay daw ang aming ginawa. Sulit daw ang pagod. Ang lahat daw ay nagpakita ng husay sa pagsusulat, pagkuha ng mga larawan, pagsasaliksik, pagproof read at pagsasaayos ng magazine. Lahat ay nagtatawanan na ngunit biglang may napansin na kulang si mam sa aming gawa. Kinabahan ako sapagkat agad na tumingin sa akin si mam. Tila ako nanigas na yelo sa harapan ng aking mga kasama. "Iho, yung gawa mo na lang pala ang kulang, kaya pala sabi ko parang may mali, nagawa mo na ba yung malikhaing pagsulat na pinagagawa ko sa iyo?."

Nahiya ako at di makatingin sa kanyang mata. Kinuha ni mam ang laptop ko at inusisa kung ano ang tinatago ko. Ngumiti siya at tumingin sa akin sabay sabi..

"Mahusay ang iyong gawa."

At doon ko lang napagtanto, ito pala ay naisulat ko na.

No comments:

Post a Comment