Wednesday, July 28, 2010

Ouch-

Isang kuwento ng dating kaibigan ang nagbigay sa akin ng takot para sa kanyang kaligtasan. Hindi ko mawari kung matutuwa ba ako dahil bumalik siya o mayayamit ako sa isang sitwasyon na hindi na naman ako sigurado. Ang sabi niya nagkamali raw siya, ako ang mahal niya. Nagduda ako at nag-isip kung ano ba ang rason kung bakit ganun kadali niya sabihin sa akin ang mga bagay na iyo. Nakakatuwa ngunit mas nangingibabaw ang pagdududa. Ayoko sana makipagkita ngunit may kung ano na nagtulak sa akin upang gawin iyon. Baka nga gusto ko pa rin siya.

Natatakot siya sa kanyang kasintahan kaya hiniwalayan niya ito umano. Bagamat naging mahalaga ito sa kanya at minahal niya kahit papano ay dumating sa punto na natatakot siya sa pagiging over protected nito. Dumating sa punto na may nagtetext sa kanyang bestfriend na kung anu-ano at sinasabi nito na layuan na niya ang kanyang kasintahan. Tapos na ang papel ng best friend nya kaya dapat lumayo na siya. Walang nakuhang patunay ang aking kaibigan sa mga nagtetext na ang sabi nung una ay boyfriend niya ito umano. Iba' ibang numero ang gamit. Nang lumaon ay nagsimulang manakit ang isang lalaki na di kilala. Naglabas ito ng kutsilyo at hinabol ang bestfreind ng aking kaibigan at nagtangka na kapag di pa siya tumigil sa pagsunod sa kasintahan niya ay pati iyon ay sasaktan din. Marahil ay naguguluhan sa ka kuwento ko ngunit di ko kailngan magbanggit ng pangalan. Proteksiyon na rin para sa kanila.

Ang akala ko bumalik siya dahil mahal niya ako. Pero hindi pala ginagamit lang niya ako. (sa palagay ko) Sa dahilang hindi niya ako matawag man lang na babe o ano. Di ko na alam ang aking gagawin. Buti na lang andyan si paraluman upang magbigay kulay sa aking buhay bagamat lihim lang ang aking pagtingin.

Sana dumating na ang aking paraluman.

Monday, July 26, 2010

Tugs tugs-

Umaga ko'y kayganda
Pag aking nakikita
Mala-anghel mong mukha
Na kahali-halina :)

Magandang Gabi :)

Sunday, July 25, 2010

Antok na :))

Palihim kung titigan
Ang aking paraluman
Sa iyong kagandahan
Puso'y di mapigilan

Tanaga 101


Thursday, July 22, 2010

22 III

Nakatakda sana akong magtungo ngayon sa St. Jude, subalit pinagpaliban ko muna at nagdesisyon na dumaan na lang sa Binondo para magdasal at magpasalamat. Pagkasakay ko pa lang ng FX patungong Maynila ay hinanap ko na agad ang ipod ko sa aking bag. Hinayaan kong awitan ako ng Sugarfree sa saliw ng tugtuging Burnout at Wag ka nang umiyak. Makahulugan ang kahulugan ng awitin, naaalala ko pa siya ang naglagay ng mga awitin na iyon sa ipod ko. Sa totoo lang 70 percent ng laman ng ipod ko sa kanya galing. Humaba ang aking mukha habang nakikinig. Nangingilid ang mga luha sa aking mga mata. Pinipigilan kong maluha ng tuluyan. Nakakahiya. Mabuti na lamang at wala akong katabi sa likurang bahagi ng FX. Pagdating sa Naia ay nakatulog ako, ang sabi ko hindi ko bubuksan ang aking mga mata pagdating sa Baclaran. Yung tipong matatanaw ko ang Mall of Asia, lalo na ang ... Ayokong manataw, gayundin ang kahabaan ng EDSA.

Nagising ako sa bahaging lagpas na sa lugar na ito. May katabi na ako, Ngunit naluluha pa rin ako. Bumaba ako sa Binondo, nagdasal at nagpasalamat. Alam ko na may dahilan ang lahat. Tuluyan na akong nakalimutan. Para na akong patay, minsan na lang marahil sasagi sa kanyang isipan ang mga ala-ala namin, ala-ala ko na lang pala. Mga pangarap sana namin na pangrap ko na lang. Malaki ang epekto sa akin ng araw na ito. Nanghihina ako tuwing araw na ito. Hindi ko alam, may kung ano na humuhila sa akin pababa. Ngunit pilit akong tumatayo. Hindi ako kailangan magpaapekto. Ang sabi ko nga, itutuon ko na lang aking sarili sa mga taong nagpapahalaga sa akin. Sa mga taong nagmamahal at naniniwala sa akin. At gayundin sa mga taong kaya kong pasayahin. Hindi na ganun katindi ang pait na aking nararamdaman. Nalulungkot lang kasi ako sapagkat mag-isa na lang ako na tutupad ng aking mga pangarap.

Wednesday, July 21, 2010

21

Luto na ang ulam ngunit ayoko pang kumain. Kakatapos ko lang gawin ang plano para sa buwan ng wika. Nakaktamad, nais ko na sana matulog ngunit madami pa akong gagawin. Masaya ako sa trabaho ko, kapag kabisado mo na, para ka na lang naglalaro. Nakakapagod lang ang pagtayo ngunit bahagi iyon ng trabaho.

Kasabay ko pauwing Maynila si Cris, susunduin niya ang kanyang kasintahan. Buti pa siya may sinusundo, ako... Pumatak ang ulan, nakaramdamdam na naman ako ng pagkalungkot. Hindi dahil sa kanya, dahil sa wala na akong kasama. Naghiwalay kami si Cris, patungo siya sa kapatid niya, ako pauwi na.

Tumigil ako sa National Bookstore, nagbasa ng mga tula. Nais ko pang matututo. Nais ko pang lumago ang aking kaalaman sa larangan ng Filipino. Kahit hindi ganun kalaki ang kita, basta ang mahalaga natuto at masaya.

Ika'y naaalala
Palagi aking sinta
Ako'y nangungulila
Sa tuwing nag-iisa

Tanaga :)

Tuesday, July 20, 2010

Tula

As the rain falls down tonight

It reminds me of her sweet smile

As she hold my hand so tight

Together we walk to the aisle

Friday, July 16, 2010

Hantok

A
I miss you
I care for you
I want to be with you
I love yu :)


b
Angels from up above
Let me ask one of you to go down
I'll be sending you to be with her tonight
To watch over her and kiss her goodnight.

C
Isang araw aking nakita, isang binata na lumuluha sa tabi niya ay isang dalaga, na ang mukha'y ubod ng ganda..
Ngunit isang araw aking nakita, isang binata na maligaya sa tabi niya ay isang dalaga, na ang mukha'y di ganun kaganda..



Thursday, July 15, 2010

Rob-

"Walang pasok ngayon", naalimpungatan ako at nagising sa tunog ng aking telepeno. Nabigla ako sapagkat yan ang mensaheng aking natanggap. Bumalik sa pagtulog. Muling nangarap.

Alas-nuebe na nang ako ay nagising. Panibagong pag-asa na naman. Araw-araw ay biyaya. Araw-araw ay pag-asa. Agad kong kinuha ang aking laptop at nagsimulang gamitin buksan ito. Isang araw at kalahati ko rin ito hindi nagamit. Nagkaroon kasi ng bagyo. Basya ang pangalan. Napakalakas ng hangin. Kahit ata bubong namin ay tatangayin. Nakakatakot. Isa sa mga dahilan upang ako ay hindi agad makatulog, mabuti na lamang kinabukasan ay walang pasok.

Kanina ay nagkataon na walang pasok ang aking mga barkada. Maliban lamang kay Red. Guro siya sa araw na ito. Pinapasok sila. Niyaya nila ako upang magtungo sa Rob Place. Nanuod kami ng Cingco. Hindi nakakatakot subalit mahusay ang pagganap lalo na ang paggawa ng pelikula. May halong art ika nga nila.

Kumain kami sa TGIF. Ang mahal nalulula ako sa presyo. Nagtungo lang kami roon para magpareserve para sa kaarawan ni Aesha. Hanggang sa nagkayayan nang kumain. Sulit naman lalo na pag nakita mo ang burger. Ubod ng laki, mauumay ka. (ako oo, sila hindi). Kaya di ako nanghinayang, sinulit ko na lang ang Iced Tea, 1 to sawa. Subalit nakuha ko ang epitome ng Iced tea. Puro yelo (literal!)

Bumili rin kami ng damit, nagbabalak kaming umakyat ng bundok. Sa Baguio. Regalo ko na rin iyon para sa kaarawan ko. Pero pag-iisipan ko muna.

Inaantok na ako. Pero magbabasa pa ako.


JAPAN!

Wednesday, July 14, 2010

Sa Isa Pang Pagkakataon-

Mali na ako. Mali na naman ako. Bakit ba hinayaan ko ang sarili ko sa isang bitag na alam ko na muli na naman akong masasaktan. Makalipas ang isang buwan na pananahimik ay bigla naman siyang nagparamdam. Di ko alam ang dahilan. Limang miscalls at tatlong blankong text. Inakala ko na emergency sapagkat kahit gabi ay tuloy pa rin siya sa paggawa. Sa madaling sabi, naging marupok ako. Inakala ko na ito na ang tamang panahon upang madugtungan ang nasimulan naming mga pangarap. Subalit sa kasawiaang palad. Mali na naman ako. Sinabi niya na namimiss lang niya ako.

Natural lang ba sa dating magkasintahan lalo na kung matagal kayong nagsama na mamiss ang isa't isa? Oo ang sagot, subalit sa pinakita niya sa akin ay isang kilos na pagiging makasarili. Hindi pa ba siya nasiyahan na nasaktan na niya ako at nakitang lumuluha sa harapan niya? Ibinigay mo ang lahat ng makakaya mo para maisalba ang aming pinagsamahan. Yung tipong sinumbatan ka mula ulo hanggang paa para sabihin sayo ang lahat ng pagkakamali mo ngunit ang pagkakamali niya ay hindi man lang niya tiningnan.

Dahil sa ginawa niya kahit malagpasan ko ang bagyo na ito na mag-isa at dumating ang panahon na magkita kaming muli ay hindi ko siya kikilalanin bilang kaibigan. Kakilala, oo pero kaibigan, hinding-hindi. Matutulad din siya sa mga babae na nagpaluha sa akin.

Maganda ang araw. Bagong pag-asa. :)

Tuesday, July 13, 2010

Kudos

Kung darating ang panahon na kailangan mong iwanan ang lahat ng iyong gamit maliban lamang sa tatlong bagay. Anu-ano ang iyong ititira? Mahirap, lalo na sitwasyon ko na hindi man lang makaalis na walang dalang bag. Subalit kung dumating man sa punto na kailangang mamili ay ititira ko ang mga sumusunod: Ipod, ang nagsisilbing mang-aawit ko sa pang araw-araw na paglalakbay at pakikibaka sa buhay. Tagapawi ng lahat ng pagod lalo na kapag inawitan na ako ng paborito kong mang-aawit. Sumunod ay mouthwash, mas masarap magsalita at makipag-usap sa harapan ng maraming tao kung mabango ang iyong hininga at ang pinakahuli ay ang aking ATM. Alam na. Kailangan ko ng pera.

Nakaramdam ako ng pagkahapo sa araw na ito. Bagamat kakaunti lamang ang oras ng pagtuturo ay naubos naman ang panahon ko sa mga aktibidades sa pagdiriwang ng English Week. Naging hurado ako sa isang patimpalak, declamation. Mahusay ang lahat ng mga sumali subalit sa huli isa lang ang napili. Isang hamon din ang pagdidisiplina ng mga estudyante. Kailngan abutin sila sa pinakakomportable sila upang maunawaan nila ang mga bagay-bagay na magiging gabay nila sa hinaharap. Hinihubog sila upang matutong tumayo sa sarili nilang mga paa. Bilang guro na magsisilibing liwanag sa kanila para sa magandang kinabukasan, isang pakikibaka ang pagharap sa kanila sa araw-araw. Iba't-iba ang personalidad. Dapat marunong kang makisama.

Isang kaibigan ang nagparamdam. Naguguluhan ako. Subalit mas minabuti ko na huwag na munang sagutin ang tawag niya at texts. Subalit sa dulo do ko rin natiis. Pinipigilan ko ang aking sarili. Inilalagay ko sa isip ko kung ano ang tama at nararapat. Di ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip niya at bakit niya muling ginambala ang nananahimik kong paglalakbay mag-isa.

Sunday, July 11, 2010

Linggo

Kung talagang maraming bagay na nagagawa ang pagsusulat bakit ang muling makapiling ka ay di ko magawa. Kahit isang minuto lang sana ay masilayan ko ang iyong mukha. Namimiss na kita. :(

Linggo, gaya ng dati libangan ko ang manuod na ASAP XV. Makita ko lang ang paborito kong artista ay okay na ang araw ko. Matapos manuod ay matutulog na lang ako hanggang alas sais ng hapon upang maghanda sa pagsisimba. Malapit ng mag-isang buwan nang huli ko siyang makita. Masaya kami noon. Magkahawak ang kamay at masayang magkasama na tila walang problema. Subalit sa totoo lang ay nababalot ito ng isang maskara. Ito ang nagsisilbing pananggalang namin sa tunay na nararamdaman. Mahal ko siya subalit hindi ko alam kung mahal niya ako noon. Habang tinitipa ko ang mga salitang ito na nagmumula sa aking puso ay nakakaramdam ako ng pangungulila. Hinihiling ko sana isang araw ay tumunog ang telepeno at kamustahin niya ako. O kaya sabihin niya sorry, ikaw pala talaga ang mahal ko. Subalit ang lahat ng ito ay mananatili na lamang pangarap. Pangarap na sa pagdating na panahon ay aking makakalimutan. Subalit ang tanong ganun nga ba kadali kalimutan ang lahat? Kahit alam mo sa sarili mo na ginawa mo ang lahat.