Wednesday, September 28, 2011

10:20 pm

Dalawang araw na walang koryente sa amin. Nakakairita lang, imbes na makapagrelax sa bahay ay naistress pa ako sa sobrang dilim. Pero okay lang, sana lang okay naman yung mas nakakarami dahil sa epekto ng bagyong Pedring. Uuwi na ako maya-maya ng konti, matutulog na lang ako at gigising nang maaga para bukas. Nagugutom na ako kaso di ko maiwanan yung gamit ko sa SB baka mawala. Limang oras na akong nag-aaral at nag-aayos ng tesis. Para akong nomad, walang pakialam sa paligid ko matapos ko lang tesis ko. Sana lang matapos ko na ang pag-eedit at kung hindi ay lagot na naman ako kay Dr. Demeterio. Showing na rin ang Ligo na U, Lapit na Me. Gusto kong manood para mapagkompara ko yung nasa libro at nasa movie. Sikat na rin ang awtor nun. Sana one day makasulat din ako ng ganun. Sana rin makuha ko na ang diploma ko at maging ganap na ang pagkakaroon ko ng dugong berde. Iiklian ko lang ang pagsusulat ko di ako komportable sa pweseto ko.

Saturday, September 24, 2011

The Fight is Over!

Kasalukuyan ako nasa La Salle. Sinusulit ko ang bilis ng internet connectiom kaysa naman magtiyaga ako sa putchu-putchu kong connection. Marami akong baong kuwento, mas makapal pa sa pahina ng tesis ko, subalit dahil hindi ako ganun kasipag magsulat kayat iikilian ko lamang ang kuwento ko.

Nag-enjoy talaga ako sa Foundation Week. Ang dami kasing activities, as in di ka mababagot. Naiinis lang ako kapag kailangan kong magbantay ng mga bata kahit na may mga event na gusto kong puntahan. Nakakulong lang tuloy ako na madalas sa klasrum. Subalit kapag may pagkakataon ay tumatakas ako at sinusulit ko ang paggagala sa labas ng aking lungga. Namimiss ko na rin ang big school pero inaamin ko napapamahal na rin naman ako sa mga batang tinuturuan ko. Ang ayoko lang ay iyong mga pakialamerong mga magulang na kulang na lang ay gawin kang alila at de susing manika ng kanilang mga anak.

Ang saya rin ng AAM Got Talent, natuwa ako sa mga bata, karamihan ay pag-awit ang talento. Iba't iba ang gimik ng lahat ng sumali basta ako nanonood lang at nag-eenjoy. Sa huling araw ng Foundation ay nakipaglaro ako ng volleyball. Ang saya! Sinusubukan kong pag-aralan nang mabuti ang laro para di naman nakakahiya sa kasama ko. Mas nag-enjoy ako sa open mic. hehe! Kala ko di na ako makakakanta kasi sa stage gagawin, nakakahiya. Buti may nagrequest kaya pag akyat ko sa stage di ko alam ang kakantahin ko. Sabi ni Sir Leo She Will be Loved na lang daw. Bagamat alam ko ang lyrics kahit konti di ko naman feel. Buti na lang si Gino ay tinawag ako at magjam daw kami ng The Fight is Over by Urbandub. Napa-oo ako kahit di ko kabisado lyrics. Buti na lang at may nagbigay ng kopya.

Ang sabi ko, ehem.. I dedicate this song to someone. Tapos ayun rakrakan na! Namiss ko tuloy ang dati kong banda. :)

Hindi ko alam kung crush na ba kita, basta may something.

Kapag nakakapanood na rin ako ng love story di na ako nalulungkot at madalas natatawa na ako.

Tengeneng yan, okay na okay na ako. Nagkakagusto na ako sa iba.

Saturday, September 17, 2011

Linggo...

Kasalukuyang masakit ang ulo ko subalit gusto kong magsulat. Mailap pa rin sa akin ang pagkakataon. Hindi ko alam kung bakit. Pagkatapos nito ay papalitan ko muna ang pangalan ng blog ko. Ayoko na muna makita ng mas maraming tao ang nangyayari sa akin. Nais ko munang ilihim ang lahat nang sa gayon ay mas makapag-isip ako nang maayos sa nais kong tahakin. Kaunti na lang at maaabot ko na ang tagumpay. Kaunting sipag na lang. May hudyat na ang aking adviser. Sa susunod na buwan, pwede nang simulan ang laban.

Nalulungkot ako sa ginawa ko. Sana pala di ko na lang ginawa ngunit ano pa ba ang gagawin ko kundi kalimutan na lang ang nangyari. Ni salitang salamat di ko man lang narinig sa kanya. Okay lang.

May ilang buwan pa para mag-isip ako. Kapag naging smooth ang lahat itutuloy ko na ang plano ko. Alam kong gagabayan ako ng taas. Sana po ay mas maging malinaw sa akin ang lahat.

Monday, September 12, 2011

Dubai! :)

Limitado lang ang oras ko sa pagkukwento. masyado kasing abala ako sa buwang ito at gayundin sa mga susunod na buwan. Nakakapanabik ang mga susunod na mangyayari subalit kinakabahan din ako. Maraming nangyari na hindi ko naibahagi dahil nga sa limitado lang ang panahon ko.

Masaya ako, iyon ang nararamdaman ko lalo na sa tuwing nakikita ko ang larawan mo. Hindi naman masamang humanga diba? Kaarawan ngayon ng paborito kong manunulat. Si Abdon M. Balde Jr. Kung bakit, di ko alam, pero sa tuwing binabasa ko siya nauunawaan ko ang mga sinusulat niya. (ang labo ko, nasagot ko naman ang dahilan ko) Nakapanood muli ako ng Final Defense. Nakakatakot ang mga panelista, di dahil sa mukhang aswang sila bagkus ang lulupit nila kung manggisa. Sa dulo naging matagumpay naman ang kaklase ko, mataas ang marka niyang nakuha.

Masakit ang sugat ko sa kaliwang mata, di ko iniinda sapagkat mas marami pa akong sakit nanaranasan doon. (chos!) Sa totoo lang parang walang direksyon ang sinusulat ko ngayon. Bahala na mahalaga may maisulat. Habang ginagawa ko ito ay bigla kang sumagi sa isip ko. Di ko alam kung bakit. Crush na ata talaga kita. Weird.

Isa-isa lang, di pwede sabay baka maudlot. Kaunti na lang maaabot na ang tagumpay. (kung pagsisikapan talaga)


Sige paalam!

Ako na to. Ako naman may kailangan nito. :)

Sunday, September 4, 2011

Nakakapagod din palang maghintay

Nakakainis din pala ang maghintay. Kahit na gaano pa kahaba ang pisi ng isang tao ay tiyak na mababalewala ang lahat kung naghihitay ka sa wala. Kasalukuyang nanonood ako ng paborito kong programa nang tumawag ang isa kong kaibigan. Nagyaya siyang umalis, ang sabi niya ang lahat daw ay pupunta kayat magpunta rin ako. Ang sabi pa nga niya ay nagtatampo siya dahil hindi ko raw siya nalibre noong kaarawan ko. At dahil sinsero naman siya sa kanyang sinabi ay agad kong sinabi ng ililibre ko siya mamaya. Sa totoo lang ay inaantok pa ako. Maaga kasi akong bumangon sa aking higaan. Ngunit dahil minsan nga lang siya (sila) magyaya ay mas minabuti ko na wag munang matulog sa halip ay sumama sa kanila. Bago mag-alas tres ay naligo na ako. Nagbabalak pa sana akong magbihis ng maganda kaso naisip ko na mag step-in na lang, tutal naman malapit lang ang pupuntahan. Pag dating ko sa mall ay laking ginhawa ang aking naramdaman sapagkat mainit sa labas. Maraming tao at agad kong tinungo ang Starbucks. Di ko nakita ang aking mga kaibigan, wala sila. Inisip ko baka nahuli lang sila. Tumawag ako sa telepeno ng ilan kong mga kaibigan, walang sumasagot, abala ata. Naglibot ako at napagod, nagpasyang kumain, subalit wala pa rin sila. Kumukunot na ang noo ko subalit naisip ko na darating sila. Maya-maya pa ay tinawagan ko ang nagyaya ng lakad at nalaman ko na nasa bahay pa siya. Nagmistulang dragon ako na gustong magbuga ng apoy subalit sinasanay ko ang sarili ko na wag mainis sa mga ganung sitwasyon. Kayat tumahimik ako at pinakinggan ang kanyang eksplenasyon. Valid naman. Maya-maya pa ay nalaman ko na di pala tuloy ang lakad. Walang nagsabi. Uminom ako ng isang frap, pampalubag loob.

Hindi ko maunawaan kung pinaglalaruan ba ako ng pagkakataon. Wala naman akong sinisisi ngunit nagsangasanga na ang aking pagkainis. Imbes na makapagsalita ako ng di maganda ay minabuti ko na lang na isulat ang aking nararamdaman. Dito, malaya ako at di ako pwedeng akusahan sapagkat wala naman akong isinulat na pangalan.

Sa kabilang banda nais ko rin bigyan ng pansin ang ibang tao na "user", (WAIT LANG LILINAWIN KO, DI ITO YUNG MGA KAIBIGAN KO NA TINUTUKOY KO SA UNANG BAHAGI NG POST KO) mga tao na nasa paligid ko lang tuwing may kailangan lang. Mga tao na magaling lang kapag may kailangan subalit kapag talikuran ay pag-uusapan ka nila at pagtatawanan. Alam (mo) ninyo, tantanan (mo) ninyo na ako, nananahimik na ako. Gusto ko ng bagong buhay na walang nanggugulo sa akin. Wala akong ginagawa sa inyo kaya layuan ninyo ako. Hindi lang (ikaw) kayo ang tao sa mundo. Kaya pakiusap, mind your own business.

Patawarin ako ng taas sa mga sinasabi ko, subalit sa palagay ko naman wala naman akong nasabi na below the belt. Wala lang, gusto ko lang ilabas ang galit ko. Ngayon ko lang napatunayan na di sa lahat ng pagkakataon ay maaaring panindigan ang salitang paghihintay. Para sa akin, kung minsan (madalas) ito ay kalokohan lamang. Wala na akong hinihintay, as in wala. At wala rin akong balak pang maghintay. Ganun pala yung pakiramdam, yung naghintay ka lang sa wala.

Magsisimba na ako.